Dalawa ang bagong Omicron Covid19 subvariants ang natagpuan na rin sa Italya. Ito ay ang Kraken, tinatawag din na XBB 1.5 at ang Orthrus.
Ito ang dalawa sa maraming variants ng Sars-CoV-2 na pinakamalaganap at natagpuan na din sa Italya, una sa Umbria at pagkatapos, sa Veneto at Lombardia.
Sa kasalukuyan, ang Kraken ay ang nangungunang covid subvariat sa US dahil na rin sa bilis ng kapasidad nitong makahawa. Ang Orthrus naman ay kumakatawan sa 25% ng mga pasitibo sa UK.
Sa Italya, ayon sa pinakabagong flash survey ng Higher Institute of Health kamakailan, ang Kraken at Orthrus ay iniulat na kumakalat sa bansa. Labindalawa na ang kaso ng Kraken sa Italya. Gayunpaman, paliwanag pa ng ISS, ay walang katibayan na maaaring magpatunay sa posibleng malalang epekto ng mga ito.
Mga sintomas ng Kraken at Orthrus
Ang Kraken para sa European ECDC, ay nakatala bilang variant ng interes dahil sa bilis na makahawa nito. Ang mga sintomas nito ay tila walang malaking pagbabago kumpara sa iba pang mga subvariant ng mga nakaraang buwan: runny nose, namamagang lalamunan, lagnat sa ilang mga kaso, ubo. Samakatwid, mga karaniwang sintomas tulad ng trangkaso.
Ang Orthrus, para sa ECDC ay isang variant under control, ay may mga epekto na
kilala na ng marami – rhinorrhea, sakit ng ulo at pagkahapo. Ang mga katangian ng nabanggit na subvariant ay “iniimbestigahan” pa, ayon sa isang document mula sa ISS at Ministry of Health.
Sa Italya, nananatiling nangunguna ang Omicron 5 na may 86.3% at sinundan ito ng dose-dosenang mga sub-lineages sa napakababang porsyento.
Batay sa mga clinical datas, ang mga sub-variants ay tila hindi malayo ang pagkakaiba sa Omicron 5, samakatwid, tulad ng nabanggit ng ilang eksperto, ay inaasahan ang muling paglobo ng mga kaso ng Italya sa loob lamang ng ilang linggo.
Ang payo ng mga eksperto ay nananatiling ang pagpapabakuna ng 4th dose.
Sa ngayon, 10% lamang ng populasyon – humigit kumulang 30% ng mga nabakunahan – ang nakatanggap ng pangalawang booster dose sa Italya. (PGA)