Isang ordinansa ang ipinalabas ni Italian Minister of Health Orazio Schillaci ang nag-oobliga ng anti-Covid swab test para sa lahat ng mga pasahero mula China.
Ito ay ilang araw matapos ipatupad ang swab test sa Lombardia region sa lahat ng mga pasahero mula sa nabanggit na bansa. Ang una, noong nakaraang Dec. 26 mula Pechino, nag-positibo ang 38% (35 ang positbo sa 92 pasahero) ng mga pasahero. Samantala, sa ikalawang flight naman ay 52% na ng mga pasahero ang nag-positibo (62 positibo sa 120 pasahero).
Kahit ang Lazio Region ay nagpatupad din ng mandatory rapid test sa mga pasahero mula sa Pechino at Shanghai bago tuluyang ilabas ang ministerial order.
Magiging mandatory din ang swab test para sa mga pasaherong darating sa Italya pagkatapos ng stopover sa China, at binanggit din sa ordinansa na ang mga positibo sa Covid-19 ay sasailalim sa quarantine.
Sa kasalukuyan, ang Italya ay ang nag-iisang bansa sa Europa na nagpapatupad ng tampone o swab test sa mga pasahero mula sa China sanhi ng bagong Covid surge sa nabanggit na bansa. Samantala, simula January 5, ang US ay nag-oobliga naman ng negative Covid test 48 hrs bago ang pagpasok ng mga pasahero mula sa China.
Ayon Airfinity, isang British company, mayroong higit sa isang milyong mga bagong kaso ng Covid ang naitala sa China at hindi bababa sa 5,000 ang mga namamatay sa isang araw. Ayon pa sa Airfinity, kung magpapatuloy ang Covid surge ang pagtaas ng mga bilang ng kaso ay tinatayang aabot sa 1.3 hanggang 2.1 milyon ang magiging biktima nito, 3.7 milyon ang magpo-positibo kada araw sa kalagitnaan ng Enero, hanggang 4.2 milyon sa Marso kada araw. (PGA)