Sisimulan sa Committee ang pagsusuri ukol sa mga susog sa panukala na magpapalit sa kasalukuyang batas para sa pagiging ganap na Italyano.
Roma, Setyembre 22, 2015 – “Citizenship agad para sa mga batang ipinanganak sa Italya!“, “Hindi, kailangan munang magtapos ng pag-aaral…” “At sa mga may edad na?”
Sapat ng sulyapan ang 240 susog na inilahad sa Committee on Constitutional Affairs buhat sa lahat ng partido upang maunawaan kung gaano kapuno ng alinlangan ang pagdadaanan ng reporma sa pagkamamamayan. Maliban sa Movimento 5 Stelle na nais baguhin ang nilalaman ng unified proposal na inilahad ni Marilena Fabbri (Pd).
Ang panukalang batas ay nakalaan sa mga anak ng mga imigrante, na magiging ganap na Italyano dahil sa Italya ipinanganak at ang mga magulang ay limang taong regular na residente, kung hindi naman ay kailangan munang pumasok ng limang (5) taon sa paaralan. Narito ang detalye. Mahirap, ngunit ito ang nasasaad at kung maaaprubahan, ganito magiging batas.
Halos kalahati ng mga susog, tulad ng inaasahan, ay buhat sa Lega Nord. Nais nilang takasan ang batas at gamitin ito upang gawing higit na mahigpit ang nilalaman nito: halimbawa, kung ang anak ng mga imigrante ay magiging Italyano sa edad na 18 anyos kung kanilang tinapos lamang ng wasto at kapaki-pakinabang ang compulsory school o ang tinatawag na ‘con profitto’, o sa pamamagitan ng isang pagsusulit para sa naturalization ng mga may edad na.
Samantala, ang Forza Italia naman ay ayaw namang marinig ang katagang ‘ius soli’ kahit na ang ‘ius temperato’. Ang kanilang susog ay para naman sa mga ipinanganak dito o sa mga dumating ng bata pa sa Italya, at ang tanging paraan upang maging Italyano ay ang paaralan: na pumasok kahit limang (5) taon lamang at matapos ang elementarya, junior high school (media) o ang senior high school (superiori).Sa ilang partido ay lumabas ang kurso para matutunan ang wika, ang kasaysayan at ang konstitusyon (na tila hindi sapat ang paaralan upang matutunan ang mga ito).
Sa kabilang bahagi, o sa kaliwang bahagi, tulad ng inaasahan ay hindi mawawala ang mga susog na magpapalawak sa bilang ng mga future Italians. Ang Pd, halimbawa, ay handang ibaba mula lima (5) hanggang tatlo (3), o kahit sa isang (1) taon ang panahon ng pagiging regular na residente ng mga magulang na magiging sanhi ng pagiging mamamayan ng mga ipinanganak sa Italya. At ang SEL naman ang may susog para sa mga may edad na: ang kanilang pagiging mamamayang Italyano makalipas ang limang (5) taong regular na paninirahan sa Italya, kalahati ng panahong hinihingi ng kasalukuyang batas.
Susuriin at pagbobotohan ng Committee ang mga panukala simula ngayong araw na ito. Ang reporma ay hinihintay sa Parliyamento sa katapusan ng Setyembre. Ating hintayin ang pagsunod ng mga deputies sa kanilang deadline. Isang bagay lamang ang sigurado, maraming naghihintay, nananabik at nagtitiwala… ‘dopo tanto fumo, cresce l’attesa per l’arrosto’, sabi nga sa wikang italyano.