Ayon sa isang post sa official page ng Viminale – Ministry of Interior, umabot sa 256 na iligal na dayuhan ang pina-deport mula Italya sa loob lamang ng isang linggo. Ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan kontra illegal immigration, kasabay ng mas pinatibay na pakikipag-ugnayan sa mga bansang pinagmulan ng mga dayuhan.

Opisyal na datos ng repatriation:
- 169 katao ang pina-deport sa pamamagitan ng aksyon ng Questura;
- 51 dayuhan ang na-repatriate matapos mamalagi sa Centri di Permanenza per i Rimpatri (CPR);
- 36 naman ang nakatanggap ng expulsion decree para lisanin ang bansa.
Ang mga numerong ito ay nagpapakita lamang ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa migrasyon sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na operasyon ng mga kapulisan at mas malalim na international cooperation.
Paalala sa mga May Permesso di Soggiorno
Bagaman hindi tinukoy ang dahilan ng deportation, mahalagang alam ng bawat Pilipino ang kahalagahan ng maagap na pangangalaga sa permesso di soggiorno, lalo na para sa mga regular na naninirahan at naghahanapbuhay sa Italya. Ang dokumentong ito ay pangunahing batayan ng legal na paninirahan sa bansa, at anumang kapabayaan dito ay maaaring magdulot ng malubhang problema.
Mga Dapat Tandaan:
- Gawin ang renewal sa itinakdang panahon — huwag hintaying ito ay mag-expire;
- I-update ang permit kapag may pagbabago sa tirahan (cambio di residenza), trabaho (cambio di lavoro), o status sibil;
- Huwag manatili sa labas ng Italya nang lampas sa itinakdang panahon na pinapayagan ng batas;
- Iwasan ang anumang paglabag sa batas na maaaring magresulta sa pagkakansela, pagbawi, o hindi pag-apruba ng dokumento.
Upang mapanatiling maayos at regular ang paninirahan sa Italya, marami ang nagbibigay ng libreng impormasyon, tulong at gabay sa dokumentasyon. Ilan sa mga ito ay:
- Media Outlet tulad ng www.akoaypilipin.eu (radio, TV, at online platforms) na nakatutok sa pagbibigay sa filipino community ng mga balita at updated information ukol sa anumang pagbabago sa batas ng Italya;
- Accredited Patronati at Caf na nagbibigay ng libreng impormasyon sa pagproseso ng permesso di soggiorno, citizenship, at iba pang dokumento;
- Assosasyon ng mga Pilipino – maraming asosasyon at religious groups ang tumutulong sa kanilang miyembro ukol sa dokumentasyon, legal assistance at impormasyon ukol sa mga batas sa migrasyon;
- Embassy at Konsulado ng Pilipinas – nagbibigay ng mahahalagang impormasyon para sa integrasyon ng filipino community sa Italya.
Sa panahon ng mas mahigpit na kontrol, mahalaga ang pagiging maagap, wasto, at may sapat na kaalaman upang mapanatiling regular at maayos ang pamumuhay sa Italya.
(Source: FB page Ministry of Interior)
Basahin din:
- Permesso di soggiorno, dapat bang dala palagi ang orihinal?
- Gaano katagal maaaring manatili sa Pilipinas ang may permit to stay at carta di soggiorno?
- Permesso di soggiorno UE per lungo soggiornanti, kailan pinawawalang-bisa?