Malawakang operasyon ng Guardia di Finanza sa 75 lalawigan sa bansa, kung saan natuklasan ang pagtanggap ng mga dayuhan sa sariling bansa ng assegno sociale.
Roma– Nobyembre 4, 2014 – Ang social allowance o ang kilalang assegno sociale, katumbas ng 450 € kada buwan, ay ibinibigay ng Estado sa mga dayuhang mayroong carta di soggiorno sa kundisyong sila ay naninirahan sa Italya. Ngunit, mayroong matapos maaprubahan ang pagtanggap ng buwanang tulong pinansyal ay bumalik sa sariling bansa, kung saan ang 450 euros ay mas mataas ang halaga, na hindi nag-report o nagpatanggal sa talaan ng mga residente sa Anagrafe.
325 dayuhang mamamayan ang natuklasan at ini-report ng Guardia di Finanza matapos ang isang malaking operasyon nitong Oktubre sa 75 lalawigan sa bansa. Sila ay inakusahan ng krimen ng panloloko o paglulustay at mananagot sa Kinauukulan bukod pa sa pagbabalik ng kabuuang halaga. Tinatayang aabot sa 4,5 million euros ang tinanggap ng mga walang karapatan sa benepisyo at ang tuluyang hindi pagbibigay ng halagang ito sa mga hindi dapat tumanggap ay aabot sa 2 million euros na matitipid kada taon.
Ang mga pekeng imigrante, paliwanag sa isang komunikasyon ng Fiamme Gialle, ay “tinatanggap ang tulong pinansyal sa pamamagitan ng kanilang bank account sa kabila ng kanilang pagbalik sa sariling bansa o ng paglabas ng 30 consecutive days sa bansa ng walang anumang komunikasyon upang pansamantalang ihinto ang pagtanggap ng benepisyo, tulad ng nasasaad sa kasalukuyang batas. "
Ang kontrol na ito ay nagsimula sa isang pag-aaral na isinagawa ng isang special unit gamit ang listahan ng mga tumatanggap ng benepisyo buhat sa Inps. Matapos ang isang malawakang operasyon ay natuklasan ang higit na irregularities sa Lombardy, Lazio, Campania, Tuscany, Emilia Romagna at Luguria.