Mga bansang pwedeng puntahan ng mga dayuhang nag-renew o may permesso di soggiorno. Bakasyon naman sa Italya para sa mga naghihintay ng regularization.
Roma – Sa pagpaplano ng summer vacation, hindi dapat bilangin ng mga dayuhan sa Italya ang araw ng vacation leave at pera sa bulsa, dapat din bigyang halaga ang sitwasyon ng kanilang permesso di soggiorno. Tingnan natin kung paano ninyo aayusin ang bakasyon upang hindi kayo masorpresa.
Ang sinumang may balidong permesso di soggiorno ay maaaring makauwi sa sariling bansa at muling makabalik sa Italya, ang importante ay dala-dala ninyo ang permesso.
Maaaring magbakasyon sa lahat ng bansang kaanib ng Schengen countries at hindi na kailangang mag-aplay ng entry visa. Ang mga bansang maaaring puntahan ay ang mga sumusunod: Belgium, France, Germany, Luxembourg, Netherlands, Portugal, Spain, Austria, Greece, Denmark, Finland, Sweden, Iceland, Norway, Slovenia, Estonia, Latvia, Lithuania, Poland, Czech Republic, Slovakia, Hungary, Malta and Switzerland. Kung ang bansang nais puntahan ay hindi miyembro ng Schengen, dapat alamin kung sa kasunduan ng country of origin ay kailangan ang visa upang magbisita.
Hindi maaaring dumaan sa Schengen countries ang mga nag-renew ng permesso di soggiorno na nagnanais magbakasyon sa sariling bansa. Dapat dala-dala ang passport, expired na permesso at renewal slip o ang tinatawag na ricevuta dell’ufficio postale o cedolino, sapagkat ito’y tatatakan ng pulis.
Ang sinumang naghihintay ng unang permesso di soggiorno o permit to stay for work o family reunification ay pwedeng magbiyahe sa Schengen Area kung ang entry visa sa passport ay “Schengen uniforme” at valid sa panahon ng biyahe sapagkat kung hindi, maaari lamang magbiyahe sa kaniyang sariling bansa nang hindi dadaan sa Europa. Sa kasong tulad nito, ang cedolino at passport ay dapat magkasama at kailangang ipakita ang visa na ibinigay ng Italian consulate na kung saan ay naka-specify ang motibo ng paninirahan sa Italya.
Ang mga colf at bandanti na naghihintay pa hanggang sa ngayon ng appointment sa regularization ay mananatili sa bansa at magbabakasyon na lamang dito sapagkat ang “ricevuta delle domanda” ay hindi valid document upang lumabas ng bansa. Maaari lamang makalabas matapos pumirma sa kontrata at makapag-aplay ng permesso di soggiorno. Kapag hawak na ang cedolino pwede nang maghanda ng inyong maleta at sa wakas ay makauwi sa sariling bansa upang makasama naman ang inyong mahal sa buhay kahit sa panahon ng bakasyon. (Liza Bueno Magsino)