Ang mga non-Europeans na residente sa Italya at mayroong permesso unico o permesso di soggiorno di lungo soggiornanti (o ang dating carta di soggiorno) ay may karapatan sa assegni familiari, kahit na ang mga dependent (o ‘a carico’) na miyembro ng pamilya ay residente sa labas ng Europa.
Ito ay ang naging hatol ng European Court of Justice matapos tanggihan ng Inps ang aplikasyon para sa assegni familiari ng mga miyembro ng pamilya (residente sa kanilang country of origin) ng mga aplikanteng Sri Lankan at Pakistani nationals, na regular na residente sa Italya.
Dahil dito, ang European Court of Justice, sa dalawang hatol ng magkahiwalay na isinampang kaso: C-302/19 at C-303/19, ay itinuring bilang diskriminasyon, ang hindi pagbibigay sa dayuhang regular na residente sa Italya ng assegni familiari, sa ilang miyembro ng pamilya nito na hindi naninirahan sa Italya.
Ayon sa European Court, “ Labag sa karapatan ng EU ang batas ng Italya na tumatanggi o binabawasan ang benepisyo sa social security ng isang non-European, na mayroong permesso unico o permesso soggiornante di lungo periodo, dahil ang miyembro ng pamilya ng aplikante ay residente sa third country, habang ang parehong benepisyo ay natatanggap ng mga Italians saan mang bansa residente ang miyembro ng kanilang pamilya”.
Ayon pa sa European Court of Justice, ang benepisyo – batay sa mga direktiba 2011/98 / EU at 2003/19 / EC – ay tumutukoy sa pantay na tratto sa mga mamamayan. At dahil ang Italya ay kinikilala sa mga Italians ang karapatan ng assegni familiari kahit sa panahong ang mga miyembro ng pamilya ay naninirahan sa ibang bansa, ang parehong karapatan ay dapat kilalanin din sa mga dayuhan na mayroong permesso unico o lungo soggiornante. (PGA)