Tinanggihan ng Court of Appeals sa Brescia ang apela buhat sa Inps. Pantay na pagtingin sa mga imigrante na mayroong carta di soggiorno at mamamayang Italyano.
Roma, Mayo 3, 2016 – Kung mayroong carta di soggiorno, ang mga dayuhang manggagawa ay mayroong karapatan sa family allowance o assegni familiari maging para sa mga anak na wala sa bansang Italya. Kung hindi ay isang diskriminasyon kumpara sa mga Italyano na matatanggap ang benepisyo sa kawalan ng panuntunang ito.
Ito ay sinabi na ng hukom ng Brescia noong 2015, at ngayon ang Court of Appeals naman ng Brescia ang nag-ulit nito sa dalawang hatol at kinumpirma ang desisyon ng hukom sa unang paglilitis.
Hindi ibinigay ng INPS ang allowance dahil ayon sa Batas ng Italya ukol sa family allowance (Batas 153/889 ay hindi dapat ituring na miyembro ng pamilya “ang asawa at anak na hindi Italya ang residensya”. Isang exemption ay nasasaad kung sa pagitan ng Italya at sariling bansa ay may kasunduan o bilateral agreement na wala ang Pilipinas.
Gayunpaman, ang batas na ito ay kabaligtaran ng European Directive 109/2003, na nagbibigay ng patas na pagtingin sa mga Italyano at mga dayuhang mayroong EC long term residence permit o carta di soggiorno kung social services ang pag-uusapan. Isang pagkakapantay-pantay na maaaring piliin ng mga State Member bilang limitasyon sa mga mahahalagang social services.
Ayon sa mga hukom, ang family allowance ay isang social service na layuning magbigay kasiguraduhan at proteksyon sa mga pamilyang may pangangailangang pinansyal. Bukod dito, ito ay tumutukoy sa pangunahing pangangailangan na naaayon sa EU Charter of Fundamental Rights na kinakailangan upang masiguro ang disenteng serbisyo sa mga walang sapat na mapagkukulang pinanasyal”.
Samakatuwid ay hindi maaaring magbigay ng distinctions sa pagitan ng mamamayang Italyano at dayuhan na mayroong carta di soggiorno. Ang European directive ay mas malakas kaysa sa Batas ng Italya at ang Inps ay kailangang sundin at ipatupad ito. Dahilan kung bakit ang mga mangaggawa, na tumayong represantative sa hukuman sina Livio Neri at Alberto Guariso, ay may karapatang matanggap ang benepisyo para sa mga malalayong anak.