Simula ngayong April 2, 2025, ang lahat ng mamamayan ng European Union (EU), kabilang ang mga Italians at iba pang dayuhan, ay kailangang kumuha ng ETA o Electronic Travel Authorization upang makapasok sa United Kingdom (UK). Ang patakarang ito ay bahagi ng mas mahigpit na mga regulasyon matapos ang Brexit at inilunsad para sa mas mahusay na seguridad ng mga frontiers.
Ano ang ETA?
Ang ETA ay isang digital authorization para makapasok o makadaan sa UK. Hindi kinakailangan ang pisikal na kopya ng dokumento dahil awtomatikong makikita ito sa sistema ng mga immigration authorities. Kailangang mag-aplay nang maaga bago lumipad patungo sa UK upang matiyak ang maayos na proseso ng pagpasok.
Sino ang kailangang mag-apply ng ETA?
Lahat ng EU nationals, kabilang ang mga may Italian citizenship, ay kailangang kumuha ng ETA mula April 2, 2025. Ang mga non EU nationals ay kinakailangan nang magkaroon nito simula pa noong January 8, 2025.
Mga Exempted sa ETA:
- Mamamayan ng UK at Ireland
- Mga may hawak ng visa
- Mga residente o may pahintulot na manirahan, magtrabaho, o mag-aral sa UK
- Mga turista na dumadaan lamang sa UK nang hindi dumadaan sa border control
- Mga batang lumalahok sa school trips mula France gamit ang “France-UK school trip travel information form”
- Mga indibidwal na exempted sa immigration control
Paano mag-apply ng ETA?
Ang ETA ay maaaring makuha sa pamamagitan ng mobile application na UK ETA (matatagpuan sa Google Play o Apple App Store) o sa opisyal na website ng gobyerno ng UK (gov.uk).
Mga Kinakailangang Dokumento:
- Pasaporte
- Contact details
- Digital ID picture
- Paraan ng pagbabayad (credit o debit card)
Ang aplikasyon ay kailangang gawin atleast tatlong araw bago ang pag-alis. Karaniwang matatanggap ang resulta sa loob ng tatlong araw, ngunit maaaring mas matagal kung maraming aplikasyon ang pinoproseso. Kung ang aplikasyon ay hindi tinanggap, ibibigay ang dahilan upang ito ay maiwasto at muling maisumite. Gayunpaman, kung ito ay tuluyang tinanggihan, hindi ito maaaring i-apela, at kinakailangang mag-apply para sa isang regular na visa.
Kung may emergency, maaaring payagan ang isang manlalakbay na pumasok sa UK kahit na naghihintay pa ng resulta ng ETA application.
Gaano katagal ang validity ng ETA?
Kapag naaprubahan, ang ETA ay may bisa sa loob ng dalawang taon o hanggang sa petsa ng pag-expire ng pasaporte—kung alin man ang mauna. Sa panahong ito, maaaring bumisita sa UK nang maraming beses, ngunit ang bawat pananatili ay hindi maaaring lumagpas ng anim na buwan.
Magkano ang ETA?
Sa kasalukuyan, ang bayad para sa ETA ay 12 euro (10 pounds). Subalit, mula Abril 9, 2025, ang presyo ay tataas sa 19 euro (16 pounds)—isang pagtaas ng 60% upang matiyak ang sapat na pondo para sa sistema ng imigrasyon nang hindi umaasa sa pondo ng gobyerno.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang website www.gov.uk