Hanggang 400 euros kada buwan, pinanasyal na tulong sa mga pamilyang nangangailangan, kabilang ang mga EU at non-EU nationals na nagtataglay ng carta di soggiorno. Susubukan ang proyekto sa Milan, Rome, Naples at isusunod ang ilang malalaking lungsod.
Rome – Mayo 9, 2013 – Noong 2008, ang dating Economy Minister na si Giulio Tremonti ay inilunsad ang kilalang ‘social card” ngunit hindi kabilang sa nasabing benepisyo ang mga imigrante. Ang social card na nagamit na pang-grocery ng mga tumanggap nito ay nilalagyan ng estado kada buwan ng halos 40 euros. Sa katunayan, ito ay ibinibigay lamang sa mga senior citizen at mga pamilyang may mababang sahod, ngunit esklusibong pang Italyano lamang..
Masasabing ang bagong social card o “carta aquisti sperimentale” ay walang diskriminasyon. Ito ay ilulunsad rin sa 12 lungsod tulad ng Bari, Bologna, Catania, Firenze, Genova, Milano, Napoli, Palermo, Roma, Torino, Venezia at Verona. Ang mga lungsod na nabanggit ay naglalaan ng 150,000 euros na magpapahintulot na bigyan ang mga pamilyang higit na nangangailangan ng 400 euros kada buwan.
Kabilang sa mga tatanggap ng benepisyo, ayon sa dekreto na inilathala noong nakaraang Biyernes, ay hindi lamang mga pamilyang Italyano bagkus maging ang mga EU at non-EU families na nagtataglay ng kilalang carta di soggiorno. Mahalaga, gayunpaman, ang pagkakaroon ng higit sa isang taong residensya.
Ang bagong card ay nakalaan sa mga pamilyang mayroong minors, na kasalukuyang nasa di-madaling sitwasyong pinansyal. Kabilang dito ang mga mayroong pinansyal na katayuan na hindi lalampas sa 3.000 euros sa ISEE, at ang disoccupazione o ang kawalan ng trabaho ng isa sa mga miyembro ng pamilya o ang pagkakaroon ng mababang sahod (mas mababa sa 4000 euros sa huling 6 na buwan). Ang ilang kriteryo ay nababanggit sa dekreto.
Paano at saan isusumita ang aplikasyon? Kasalukuyang hindi pa alam ngunit tinatantyang ang bando ay ilalabas sa lalong madaling panahon at ang mga pamilyang kwalipikadong tatanggap ng bagong social card ay ilalathala sa kalahatian ng Setyembre.
Decreto Interministeriale del 10 gennaio 2013