Narito ang mga bansa, kung saan ang sinumang may balidong permit to stay o naghihintay ng renewal nito ay maaaring magpunta o magbakasyon . Samantala, kung hinihintay naman ang releasing ng first renewal, lahat ay dipende sa validity ng entry visa.
Roma, Marso 30, 2012 – Sa panahon ng Mahal na Araw, Pasko ng Pagkabuhay at Easter Monday, (Paquetta) ay maaaring maging isang magandang pagkakataon upang magbiyahe at magbakasyon ng ilang araw. Tingnan kung paano gagawin ang pagpaplano batay sa sitwasyon ng mga permit to stay.
Sa sinumang may balidong permit to stay ay maaaring bumalik sa sariling bansa at bumalik muli sa Italya kung kailan gusto, ang mahalaga ay dala ang original nito.
Maaaring maglakbay bilang turista, nang hindi nangangailangan ng entry visa sa lahat ng Schengen countries: Belgium, Francia, Germany, Luxembourg, Netherlands, Portugal, Espanya, Austria, Greece, Denmark, Finland, Sweden, Iceland, Norway, Slovenia, Estonia, Latvia , Lithuania, Poland, Czech Republic, Slovakia, Hungary, Malta at Switzerland. Kung ang pipiliin naman ay isang non-Schengen country, dapat alamin sa pamamagitan ng kasunduan ng sariling bansa kung ang napili ay nangangailangan ng entry visa.
Para naman sa mga naghihintay ng renewal ng permit to stay, ang paglabas at pagbalik sa bansang Italya ay hindi dapat magkaroon ng stop-over sa isang Schengen country. Kailangang dalhin ang pasaporte, ang nag-expire na permit at resibo ng post office (cedolino) na ipapakita sa mga Immigration office.
Sa sinumang naghihintay sa unang releasing ng permit to stay para sa trabaho o sa family reunification ay maaaring magbiyahe o magbakasyon sa mga Schengen countries kung ‘Schengen uniforme’ ang entry visa at kung hindi naman ay sa pagitan ng Italya at sariling bansa lamang at walang stp over sa European area. Sa anumang kaso, dalhin ang resibo (cedolino) at pasaporte, at dapat ipakita rin ang entry visa buhat sa Italian Embassy na tumutukoy sa dahilan ng panantili sa Italya.