Matibay ang mga testimonya sa mga kaganapan ng insidente. Desisyon ng mga mahal sa buhay na itigil na ang imbestigasyon ay dapat irispeto.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) District Director Chief Supt. Francisco Manalo kahapon ay sarado na ang kaso kaugnay ng pagkamatay ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Angelo Reyes at wala na diumanong gagawing imbestigasyon. Ito ay matapos na mismong ang pamilya Reyes ang tumangging magpaimbestiga kaugnay sa pagkamatay. Sinabi rin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Nicanor Bartolome na maging ang pamilya ng heneral ay tumanggi na umanong isailalim pa sa awtopsya ng Philippine National Police (PNP) ang bangkay.
Matibay ang naging testimonya ng mga caretaker at empleyado ng Loyola Memorial Park na nakakita sa ginawang pagpapakamatay ng heneral nang barilin nito ang kanyang sarili habang nakatayo sa puntod ng kanyang ina. Kasama din ng heneral ang kanyang dalawang anak, bodyguard at driver na nakasaksi ng buong pangyayari ng insidente at maituturing talagang self-inflicted.
Binigyang-linaw pa ni Bartolome na ipagpapatuloy lang nila ang imbestigasyon sa ganitong kaso kung mayroon pa umanong pagdududa ang pamilya sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay, pero kung ang mismong pamilya na rin umano ang humihiling na ayaw nang paimbestigahan pa ay kanila itong irerespeto lalo na’t nakapirma pa sa isang waiver na gusto na nila ng privacy.