Panahon na para sa income tax bonus 2014 para sa mga domestic workers. Narito kung kanino ito nakalaan at kung paano ito gawin.
Roma – Abril 29, 2015 – Kahit para sa mga domestic workers, caregivers at babysitters ay panahon rin upang makuha o mabawi ang tinatawag na income tax bonus o bonus irpef ng taong 2014 na maaaring magkahalaga hanggang 640 euro, resulta ng isang diskwento sa buwis na inaprubahan ng gobyerno noong nakaraang taon.
Ang ibang mga empleyado ay natatanggap ito buwan buwan sa kanilang pay envelope. Sa katunayan, ang mga kumpanya ay mga withholding agent o “sostituto d’imposta” at nagkakaltas ng buwis mula sa sahod para sa estado.
Ang sitwasyon ay nag-iiba sa domestic sector, kung saan ang employer ay hindi mga withholding agent. At ang bonus irpef para sa mga colf, caregivers at babysitter ay ipinagpaliban hanggang sa panahon ng pagpa-file ng income tax return.
Sa mga susunod na linggo, sa paggawa ng 730, sa tulong ng mga CAF o accountant, ang mga domestic workers ay kailangang ideklara kung magkano ang kanilang kinita sa taong 2014, sa pamamagitan ng mga deklarasyon o sertipiko ng sinahod na obligadong ibigay ng mga employer. Sa pagkakaroon ng nasabing sertipiko ay malalaman kung posible ang makatanggap ng bonus o hindi.
Ang bonus ay nakalaan sa sinumang, sa taong 2014, ay nakatanggap ng kabuuang kita na higit sa 8,000 euros at mas mababa sa 26,000 euros. Ang halaga ng bonus ay aabot hanggang maximum na 640,00 euros (80 euro kada buwan mula Mayo hanggang Disyembre 2014) para sa sahod hanggang 24,000 euros, ngunit ang bonus ay nababawasan hanggang sa maging 0 ito para sa sahod sa pagitan ng 24,000 hanggang 26,000 euros.
Ang nabanggit na 640 euro(o mas mababa) ay ibabawas mula sa buwis na dapat bayaran ng domestic worker. Ang balance o ang maiiwang halaga ay ibabalik ng Agenzia dell’Entrate bilang refund direkta sa bank o postal account ng tax payer.
“Hindi lahat ng mga worker ay kilala ang karapatang ito at mahalagang ipaalam ang mag-file ng income tax return upang matanggap ang bonus”, ayon kay Raffaella Maioni, ang national head ng Acli Colf sa stranieriinitalia.it.
Ngunit nananatiling ang problema ng hindi regular o hindi deklaradong mga trabaho. “Marami ang hindi makakatanggap ng bonus dahil ang sahod ay mas mababa sa 8,000 euros. Karamihan sa mga ito ay dahil idineklara ang mas mababang bilang ng oras ng trabaho sa halip na kabuuang oras nito. Patunay lamang na mahalaga ang legalidad sa sektor.”
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]