Mula 1 Enero 2019, lahat ng remittance na ipapadala ng mga dayuhan sa kanilang sariling bansa, partikular sa mga non European countires, ay papatawan ng 1,5% na buwis. Ito ay tumutukoy sa bawat remittance mula sa halagang € 10,00.
Tulad ng unang inilathala ng Ako ay Pilipino noong nakaraang buwan, ang buwis ay ninais ng Lega Nord at matapos aprubahan ng Budget Committee ng Senato ang decreto legge fiscale kamakailan, ay agaran ang pagpapatupad dito.
Basahin rin: Bagong buwis sa mga remittances, nais ng gobyerno
Sinimulan noong nakaraang Enero 1, 2019, ang 1.5% na buwis ay ipinapataw sa bawat remittance na ipinapadala sa mga non-Europeans countries, mula sa halagang € 10,00.
Ang implementing rules ay ginawa ng Ministry of Economy kasama ang Agenzia dell’Entrate kasama ang opinyon ng Banca d’Italia.
Ayon sa mga unang balita, hindi sakop ng nasabing buwis ang mga commercial transaction na hindi madaling matukoy sa money transfer. Habang ang remittances naman na ipinapadala sa pamamagitan ng bank transfer o conti correnti bancari o postali ay sakop ng bagong buwis.
Ayon sa Banca d’Italia, tinatayang aabot sa 4.2 billion euros ang average remittance kada taon ng mga imigrante at ang buwis na hatid nito ay aabot sa 63 million euros mula ngayong 2019.
Kung matatandaan ng lahat, pitong (7) taon na ang nakakaraan (2011) ay ninais na rin ng Lega Nord ang pagpapataw ng buwis sa remittances. Ang tanging pagkakaiba lamang ay 2% ang buwis noon at ito ay para sa mga dayuhang walang codice fiscale at matricola Inps.
Basahin rin: Bagong buwis ng 2% sa bawat remittance, ipinatutupad na.
Ito ay ipinatupad ng ilang buwan lamang at hindi nagdulot ng resulta o halagang inaasahan. Ito ay tinaggal ng administrasyon ni Monti dahil sa panahong iyon ang Italya ay tinanggap ang tungkuli sa G8 sa Aquila noong Hulyo 2009 na bawasan ang gastusin o fee ng mga money transfer at ang pagkakaroon ng 2% added tax ay tunay na hindi aangkop sa tungkuling ito.
At sa ngayon, ang buwis ay muling nagbabalik, may ibang anyo ngunit nananatiling isang pabigat sa mga dayuhang nahihirapan na, una dahil sa krisis at ikalawa, sa mga daliring lagi na lamang nakatutok sa mga dayuhan.
Matanggap kaya sa pagkakataong ito ang inaasahang resulta nito o ang humigit kumulang na 63 million euros? O muling madadagdagan ang mga illegal money transfer na malayo sa anumang control?