Narito ang panayam kay Prof. Vittorio Angiolini, isa sa mga abogado na humawak ng kaso: “Ang kontribusyon ay hindi na babayaran, hindi na ito maaaring hingin ng Poste Italiane. Hindi makatao ang pabayaran sa mga regular ang halaga ng repatriation”.
Roma, Mayo 27, 2016 – Ang kontribusyon para sa issuance at renewal ng residence permit? “Ang naging desisyon ng TAR ay napakalinaw, at ito ay nagtatanggal sa hindi naaayon sa batas na panuntunan. Ang batas ng Italya na nagsasaad nito ay labag sa batas ng Europa. Nangangahulugan na ang mga imigrante, simula ngayon, ay hindi na dapat pang bayaran ito at maaari nilang hinging ibalik ang halagang hindi makatarungang kanilang ibinayad hanggang sa kasalukuyan”.
Si Professor Vittorio Angiolini, ay nagtuturo ng Constitutional law sa University of Milan, isa sa mga abogado na nagsulong ng kaso sa Tar at sa Court of Justice ukol sa apila ng Inca at Cgil laban sa 80, 100 at 200 euros na ibinabayad ng mga imigrante simula pa noong 2012. “Ang apila ay tinanggap, wala ng dapat pang pag-usapan, walang ibang interprestasyon ang naging desisyon. Ang kontribusyon ay hindi na dapat bayaran pa”, bigay diin nito sa Stranieriinitalia.it.
Ang balita ay tila hindi kapani-paniwala para sa mga imigrante, masyadong maganda para maging isang tunay na balita. “Kami ay nag-renew ng permit to stay kahapon at kami ay nagbayad pa rin ng 100 euros”, ayon sa isang mambabasa. Ang post office kung saan kami nag-sumite ng aplikasyon ay hiningi ang resibo ng pinagbayaran. Dapat po bang bayaran pa ito? O kailangang maghintay ng kaukulang hakbang bago tuluyan itong ipatupad?”
“No. Kahit ang Italian Post Office ay dapat mag-assess agad sa naging desisyon ng korte, hindi na maaaring humingi ng payment. Bukod sa naging hatol, ang ahensya ay kailanganing siguraduhin ang serbisyo ng pagtanggap ng mga aplikasyon, dahilan kung bakit sila ay binabayaran”.
Ang mga imigrante mula ngayon ay makakatipid na, ngunit ano ang mangyayari sa halagang kanilang ibinayad hanggang sa kasalukuyan?
“Kailangang ibalik ng gobyerno ang ibinayad ng mga imigrante. Ang sinumang nagbayad nito sanhi ng hindi makatwirang batas ay may karapatan sa refund at kabayaran ng pinsala. Marahil iniisip ng pamahalaan na hindi maghahain ng reklamo at hindi ipaglalaban ang kanilang karapatan dahil ang maghain ng kaso ay magastos”.
Paano at saan ginamit ang ibinayad ng mga imigrante? Upang mapabuti ba ang pag-proseso sa mga permit to stay?
“Malaking bahagi nito ay ginugol upang pondohan ang repatriation at upang masiguro ang public order. Samakatwid, ito ay kanilang ipinabalikat sa mga regular na imigrante, at dahil sila ay mga dayuhan, sila ang kabayaran sa mga illegal at krimen. Ito ay hindi makatwiran”.
Ang pamahalaan ay maaaring gumawa ng isang bagong patakaran upang ibalik ang kontribusyon ng mga permit to stay? May posibilidad ba ng pag-atras matapos ang naging desisyon?
“Halos walang puwang sa pag-atras at ito ay tinukoy sa hatol ng European Court of Justice kung saan nasasaad na ang permit to stay ay maaaring mangailangan ng isang kontribusyon, ngunit ito ay dapat na ihambing sa aplikasyon ng identity card o carta d’identità”.
Sa ngayon ang carta d’identità ay nagkakahalaga ng € 5.42.