Sina Cécile Kyenge at Khalid Chaouki (Pd), bumuo ng isang grupo, bukas para sa lahat ng mga deputees: “Ito ay temang sumasaklaw sa lahat, tanggalin natin ang ating mga sumbrero at harapin ang isyu”. Sumali ang Sel, Scelta Civica at M5S, ngunit ang Pdl at Lega ay di tinanggap ang imbitasyon.
Roma – Abril 17, 2013 – Wala pang gobyerno, hindi pa alam kung sino ang mangunguna sa Quirinale, ang Parliyamento ay walang mga komisyon at halos walang ginagawa. Ngunit sa Kamara, ay nagsimula ang diskusyon sa tema ng citizenship, imigrasyon at asylum.
Ito ay dahil sa maliit na grupo ukol sa politika ng imigrasyon. Isang informal group na magpapahintulot sa mga deputees buhat sa iba’t ibang partido ang magkakasamang gampanan ang tungkulin ukol sa maraming tema ng mga dayuhan sa Italya, hanapin ang puntong pagkakasunduan, at gawin itong reporma. Isang lugar kung saan pananatilihin ang ugnayan at koordinasyon maging hanggang ang bawat isa ay magkaroon ng kanyan-kanyang komisyon, kung saan ilalabas ang bawat expertise.
Ang grupo, na kasalukuyang may bilang na 85 members, ay nabuo sa pangunguna nina Cécile Kyenge Kashetu at Khalid Chaouki na nag-imbita sa lahat ng mga kasama sa Montecitorio. Tumugon naman, bukod sa mga kasama sa PD, ang mga deputees mula sa Sinistra Ecologia Libertà, Scelta Civica at Movimento 5 Stelle. Nananatiling hindi kabilang (dahil diumano sa kanilang mga personal na pagpapasya), ang mga deputees ng Popolo delle Libertà at Lega Nord.
“Ang layunin ay malayo ang marating, mas malayo pa sa limitasyon ng bawat partido, tanggalin ang sombrero at ilahad ang mga karanasan at mga mungkahi. Ang unang pagtitipon ay aming ginugol upang makilala ang bawat isa at matuklasan ang magiging proseso ng kolaborasyon, na maituturing na positibo. Nakita na namin ang malalim na pagnanais ng lahat na magkaroon ng agarang reporma ukol sa batas ng citizenship”, ayon kay Kyenge.
Isang reporma na magpapahintulot maging Italyano rin maging ang mga anak ng imigrante, ang tila pangunahing punto sa agenda ng grupo, pagkatapos ay ang magkaroon ng bagong batas sa imigrasyon. At hindi matatapos dito.
“Marami ang mga tema – ayon pa rin kay Kyenge – mula sa integrasyon hanggang sa asylum, na mayroong bagong pananaw at iiwan ang pananaw ng emerhensya at titingnan ang imigrasyon bilang yaman. Mahalaga ang pakikipagtulungan sa mga asosoasyon at mga kinatawan na sa matagal na panahon ay nakatutok sa mga temang ito, gayun din ang pakikipagpulong sa lalong madaling panahon”.
“Ang aming layunin – ayon naman kay Khalid Chaouki – ay ang mapaglapit ang posisyon ng lahat, na kung tutuusin ay hindi naman magkakalayo. Kaninang umaga ay binigyang diin ang imigrasyon bilang mahalagang elemento para sa kasalukuyan at kinabukasan ng Italya, na dapat harapin ng lahat, bukod pa sa mga komisyon o sa mga partido, at hindi lamang manatiling tema ng pangangampanya”.
Ang hindi paglahok ng Lega Nord at Popolo della Libertà? “Para sa mga kinatawan ng Lega ay amin nang inasahan ang kanilang hindi pagtanggap sa imbitasyon, ngunit kami ay umaasa at naniniwala na ang Pdl ay nais harapin ang tema. Pinili namin ang magsimula agad, habang ang Italya ay humaharap sa mabibigat at mahahalagang desisyon para sa bansa tulad ng pagpili ng Pangulo ng Republika, na may pag hamon sa kasalukuyang klima at maging sa paghihintay sa Parliyamento. Kami ay may naniniwala at umaasa”.