in

Citizenship, higit na impormasyon sa panahon at dapat gawin sa kaso ng pagkaka-antala

Ang proseso ay dapat na matapos sa loob ng dalawang taon, kung hindi ay maaaring lumapit sa isang hukom. Mula ngayon, ang Prefecture ng Roma ay ipapaalam ito sa lahat ng mga aplikante na naghahangad maging Italian citizen.
 

 

 


Roma – Hunyo 30, 2015 – Ang pagsusumite ng aplikasyon para sa citizenship online ay tunay nga bang nagpapadali sa panahon ng proseso nito?
 
Oo, dahil sa ngayon ay hindi na kailangang maghintay pa ng appointment upang isumite ang aplikasyon. Ngunit kailangan pa ring magtungo sa Prefecture upang ipakita ang mga orihinal na dokumento at ang pinakahuli, ang pagsusuri sa aplikasyon ng operator ng Ministry of Interior na kung magpapatuloy sa malalang kakulangan sa empleyado, ang panahon ng paghihintay ay mananatiling mahaba pa rin.

Gaano karaming mga naghahangad na maging  ganap na Italian ang nakakaalam na ang batas ang nagtakda ng limitasyon sa panahon kung kailan ang Ministry of Interior ay kailangang sumagot sa pagbibigay o pagtatanggi sa citizenship? “Ang deadline para tapusin ang buong proseso ay 730 araw mula sa araw ng pagsusumite ng aplikasyon”, ayon sa regulasyon DPR 362/1994. At gaano karami ang nakakaalam na sa paglipas ng dalawang taon na walang anumang kasagutan ay maaaring obligahan ang Ministry na magbigay ng sagot?

 
Sa Roma, simula ngayon, ang lahat ng nag-aaplay para maging ganap na Italyano ay malalaman ito.

Ito ay dahil sa pagkilos ng Associazione Nazionale Forense at ng association for social promotion Alexandra na nag-ulat sa Ministry of Interior at tanggapan ng citizenship sa prefecture sa Roma “ng malalang sitwasyon na nagtatanggal sa karapatan ng mga mamamayang dayuhan”. Sa katunayan, sa komunikasyon ng simula ng proseso ng aplikasyon (comunicazione di avvio) ay wala ang petsa kung kailan maaaring matapos ang proseso at ang posibleng remedyo kung sakaling ang pagkukulang naman ay mula sa administrasyon.”
 
Gayunpaman, ang parehong batas (241/90) ang nagsasabi na ang mga impormasyong nabanggit ay dapat na nasasasaad. Ito ang binigyang-diin ng dalawang asosasyon at ang Prefecture ng Roma ay mabilis na nakakita ng solusyon at ayon dito, simula sa ngayon ay isusulat sa comunicazione di avvio ang deadline ng 730 days at ang mga dapat gawin sa kaso ng pagkaantala o delay, tulad ng apila sa TAR o Regional Administrative Trial Court.
 
Lubos naman ang kaligayahan ng mga abugadong sina Emanuele Giudice (Presidente ng Alexandra at responsible sa Citizenship and Immigration dept. ng Anf Roma) at ni Giandomenica Catalano (Bise presidente ng Anf Roma). Ang mahalagang balitang ito, ayon sa dalawa, "ay magiging sanhi ng higit na kaalaman sa mga karapatan ng mga aplikante at sa kabilang banda ay magiging sanhi rin ng pagiging higit na responsabile ng Administrasyon upang husayan ang pamamahala sa mga aplikasyon ng italian citizenship.”

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pinoywise, tagumpay sa Roma

PRILS: ASLI at REGIONE LAZIO MAGKABALIKAT TUNGO SA INTEGRASYON