"Rispeto sa libu-libong katao na naniwala at patuloy na naniniwala sa demokrasya"
Roma, Marso 5, 2013 – Ilang araw makalipas ang halalan at bago matapos maitatag at maupo ang mga bagong halal sa Parliyamento, isang grupo ng mga kabataan na nagsulong sa kampanyang “L’Italia sono anch’io” ay sumulat ng liham sa mga bagong halal upang harapin sa lalong madaling panahon sa bagong Parliyamento ang “maselan at mahalagang” tema ng citizenship ng mga ipinanganak at lumaking anak ng mga imigrante sa Italya.
“Matapos ang magandang resulta ng nasabing kampanya, higit sa 110,000 signatures ang nakalap sa kinakailangang 50,000 lamang upang maiharap ang panukalang batas – bigay diin sa liham – ay nanatili itong nasa ilalim ng political agenda. Sa kabila ng nakapasok ito sa mga temang dapat harapin, ang ‘proposta di legge’ ay hindi kaylan man nagkaroon ng diskusyon at hindi tinalakay sa nakaraang legislatura at nanganganib na maglahong parang bula ang pagsusumikap ng daan libong mga naghayag ng pananaw ukol sa ius soli maging sa panahon ng pangangampanya.
Dahil dito, ang mga kabataan sa likod ng signature campaign ay lumapit sa mga bagong halal, maging sa pamamagitan ng petition online, na sa harap ng publiko ay mangakong tatalakayin ang panukalang batas ukol sa citizenship sa Parliyamento, “una bilang rispeto sa libu-libong katao na naniwala at patuloy na naniniwala sa mekanismo ng demokrasya at sa aktibong paglahok sa mahahalagang tema, at ikalawa upang mapalitan ang batas na ito na resulta ng batas na hindi na angkop sa pangangailangan ng ating bansa”.