Isang “himala” sa Vigonovo para sa Moroccan na pinauwi ng alkalde dahil hindi nakayang basahin ang panunumpa sa citizenship sa wikang italyano. Ang alkalde, buhat sa Lega: “Natutunan ang pagsasalita at ang pagbabasa sa wikang italyano, ngayon ay isa nang ganap na Italyano”.
Roma – Pebrero 19, 2013 – Gayunpaman, ang isyu ay gumawa ng ingay.
Mohammed El Meliani, isang laborer buhat sa Morrocan origin, 21 taon na sa Italya kasama ang asawa at anak, nagampanan ang panahon at lahat ng requirements na hinihingi sa pagproseso ng Italian citizenship. Ngunit, noong nakaranag buwan, humarap sa alkalde ng lungsod ng Vigonovo, malapit sa Venice, para sa panunumpa, hindi ito nakayanang basahin sa wikang italyano at pinauwi ng alkalde upang mag-aral muna ng wikang italyano.
“Ako ay nag-aalala dahil ang kawalan ng integrasyon ay mapanganib para sa lahat”, paliwanag ng alkalde na si Damiano Zecchinato, at sinabi kay El Meliani ang bumalik pagkalipas ng anim na buwan. “Inaasahan ko na sa loob ng panahong ito ay matutunan niya ng bahagya ang wikang italayano at para sa akin – ayon pa sa alkalde – ay wala ng hadlang upang gawin ang seremonya ng pagbibigay ng citizenship”.
Ngunit tila nag-double time ang dayuhan at natutunan agad ang wika. Tulad ng mababasa sa website ng La Nuova Venezia, kaninang umaga nga ay naganap ang naudlot na panunumpa sa Munisipyo ng walang hadlang at samakatwid ay naging ganap na Italyano. “Si El Meliani, isang illiterate, ay nagsumikap at nag-aral ng husto. Natutunan ang magsalita at ang bumasa sa wikang italyano at ngayon ay naabot ang kanyang mithiin, ang maging ganap na italyano”, dagdag pa ni Zecchinato.
Sa mga hindi naniniwala sa himala, ay tila mahirap maunawaan na sapat na ang ilang linggong pag-aaral upang malampasan ang “panganib”, “kawalan ng integrasyon” na naging dahilan upang hindi ipagkaloob ang italian citizenship. El Meliani, kahanga-hanga? O ang alkalde, noong nakaraang buwan, ay naging mahigpit lamang?