“Pinahihintulutang maging bahagi ng civil service at walang itinatangi sa kasarian at nasyunalidad – Italyano, Europeo at mga dayuhang regular na naninirahan sa bansa – batay sa kusang-loob na serbisyong pangkomunidad, ang mga kabataan na sa petsa ng pagsusumite ng aplikasyon ay 18 taong gulang na at hindi pa lumalampas sa 21 taong gulang”.
Roma, Nobyembre 22, 2016 – Ang mga kabataang ito ang tutulong sa mga may kapansanan, ang sasalubong at tatanggap sa mga bisita ng mga museo, lalahok sa mga project of cooperation for development o magiging bahagi sa iba’t iba pang serbisyo na sakop ng Servizio Sociale Universale na kailangang nagtataglay ng mga requirements.
Ang artikulo 14 ng legislative decree scheme na inaprubahan noong nakaraang Nov 9 ng Council of Ministers, ay ganap na nagbukas sa mga kabataang dayuhan, matapos ang mahabang legal procedures at ilang hatol. Sa wakas isang magandang balita para sa mga imigrante, partikular para sa kanilang mga anak, na lumaki at karamihan ay sa Italya na rin ipinanganak.
Sa illustration na lakip ng dekreto, na ipinadala sa Kamara at Senado para sa kanilang opinyon ay malinaw na ipinaliliwanag ang mga dahilan. Ito ay, ayon sa gobyerno, ang hinihingi ng Constitutional Court at ng European Union na “pagtatanggal sa hindi patas na pagtrato sa mga dayuhan at makahikayat sa integrasyon” at sa ganitong paraan ay “maitama ang kritikal na sistema sa kasalukuyan kung saan isinasaisang-tabi ang mga dayuhan, na humantong sa hindi pagkakaunawaan at ingay sa media na naging sanhi ng negatibong epekto sa imahen”.
Ngunit ang mga Italian, dayuhan at anak ng mga imigrante ay tunay nga bang pantay sa bagong Servicio Civile? Hindi. Dahil sa artikulo 14, matapos ang unang talata, ay nakalaan lamang sa requirements ng mga hindi Italians, samakatwid ay ekslusibong para sa mga dayuhan kung saan nasasaad na ang “pagpasok sa Universal Civil Service ay hindi dahilan para sa extension ng validity ng permit to stay”.
Ito ay ilang linya lamang ngunit maaaring maging malaking hadlang para sa ikalawang henerasyon. Ilan ang maaaring maging bahagi ng Civil Service na nanganganib na hindi mai-renew ang permit to stay para sa mga serbisyong nabanggit? Mas mainam kung mag-aaral o magta-trabaho na lamang dahil kung hindi, sa expiration ng kanilang mga permit to stay ay kailangang bumalik sa sariling bansa o kung hindi ay magiging undocumented sa kanilang pananatili.
Ang kahulugan ng mga linyang ito ay wala sa illustration. Marahil, ay nangangambang ang Universal Civil Service ay maging dahilan ng pananatili sa bansa sa kawalan ng dokumentasyon ng mga ito? Gayunpaman, salungat pa rin sa hangaring nabanggit, ito ay patunay lamang na ang mga kabataang dayuhan ay patuloy na itinuturing ng iba kumpara sa mga anak ng mga Italians.