Ang tanyag na Click Day, tulad ng itinalaga ng batas, ay sinimulan kaninang umaga. Binuksan ang angkop na website ng Sportello Unico para sa mga aplikasyon sapagpasok sa Italya ng mga manggagawang dayuhan para sa subordinate at seasonal job.
Sa loob lamang ng ilang oras ng click day ng Decreto Flussi, ang mga aplikasyon ay umabot sa higit sa 240,000. Ito ay halos tatlong doble ng bilang na itinalaga ng gobyerno, 82,705. Ito ay nagpapatunay lamang sa pangangailangan sa mga dayuhang manggagawa sa Italya.
Ang lahat ng mga application na isinumite ay nai-upload na sa platform, at ang mga ito ay idi-distribute batay sa probinsya ng bawat Sportello Unico. Ang lahat ng ito gayunpaman ay batay sa limitasyon ng quota na itinalaga ng gobyerno ni Meloni. Tulad ng mga ibinalitang pagbabagong napapaloob ngayong taon, inaasahan ang mas epektibo at mas mabilis na proseso ng Decreto flussi, at samakatwid mas mabilis na pagpasok sa bansa ng mga dayuhang manggagawa.
Gayunpaman, malinaw na ang bilang ng mga aplikasyon na naisumite sa loob lamang ng ilang oras ay nagpapakita kung gaano kalaki ang pangangailangan sa human resources ng Italya. Samakatwid, lumalabas na ang Decreto flussi ay isang mahalagang solusyon, ngunit hindi sapat upang matugunan ang mga pangangailangang ito. (PGA)