“Ang mga employer ay hindi kumakatawan bilang withholding agent, at ang bonus irpef ay tatanggapin direktang buhat sa Estado”, paglilinaw ng Agenzia dell’Entrate.
Roma – Mayo 2, 2014 – Habang ang ibang mga empleyado at mangagawa ay pakikinabangan ang bonus kasabay ng sahod sa buwan ng Mayo, ang mga colf, babysitters at caregivers ay maghihintay hanggang sa susunod na taon upang mapakinabangan ang fiscal bonus na inaprubahan ng gobyerno. Marahil, ay isang hindi inaasahang sorpresa ang napapaloob sa circular na nagpapaliwanag ng bonus buhat sa Agenzia dell’Entrate nitong Lunes.
Una sa lahat maraming mga colf ang walang matatanggap na bonus, dahil hindi nito sakop ang mga mayroong sahod hanggang 8,000 euros yearly at samakatwid ay walang binabayarang buwis o ang mga tinatawag an ‘incapienti’. Ang gobyerno ay naghayag ng ibang uri ng bonus para sa mga incapienti ngunit sa kasalukuyan ay wala pang malinaw na direksyon.
Ang bonus na nabanggit ay nakalaan para sa mga taong nagbabayad ng buwis, at may sahod o kita na mas mababa sa 26,000 euros. Sa taong ito ay 640 euros (o 80 euros simula sa buwan ng Mayo hanggang Disyembre) para sa mga may sahod hanggang 24,000 euros ngunit nababawasan para sa mga sahod hanggang 26,000 euros.
Tulad ng nabanggit, ang malaking bahagi ng mga mangaggawa ay matatanggap ito kasabay ng sahod ng Mayo. Ang kanilang mga employer, sa katunayan, ay ang kumakatawan bilang sostituto d’imposta o withholding agent, o sa madaling salita ay nagbabawas ng buwis mula sa kanilang sahod para sa Estado at maaari rin nilang ibigay agad ang bonus sa pamamagitan ng pagdadagdag sa kanilang net salary.
Para sa mga colf, caregivers at babysitters, gayunpaman, ang sitwasyon ay iba dahil ang mga employer ay hindi kumakatawan bilang withholding agent. Sa ganitong kaso, paliwanag ng Agenzia dell’Entrate sa pamamagitan ng isang circular, ang mga worker “ay maaaring humingi ng bonus sa income tax return o dichiarazione dei reditti para sa taong 2014, ayon sa pamamaraan na nasasaad sa mga form at, samakatuwid, ang gamitin bilang kompensasyon […] o ang paghingi ng refund. "
Sa madaling salita, ang mga colf na mayroong karapatan sa bonus ay maaaring hingin ito sa susunod na taon kung magpa-file ng income tax return para sa taong 2014. At maaaring ibawas ang halaga ng bonus sa tax, o ang tanggapin ito direktang buhat sa Estado.
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]