May ilang pagbabago at tumaas ang ilang consular fees sa mga Italian embassy, hatid ng Stability law. Kabilang ang pagtaas ng 40% sa bayarin para sa legalization, translation at SPA.
Roma, Enero 14, 2016 – Itinalaga ng Stability Law 2016 ang ilang pagbabago at pagtaas sa mga consular fees sa mga Italian embassy. Ang mga ito ay inaasahang magbibigay sa estado ng 6 million euros kada taon.
Nangunguna ang student visa sa mga pagbabago at samakatwid ang pag-aaral sa Italya ay nagkaroon ng karagdagang gastos.
Matatandaang ilang taon na rin na ang mga unibersidad ay hinihiling na gawing mas madali ang pagpasok ng mga ‘cervelli’ mula sa ibang bansa at pinagsusumukapan ang internationalization ng mga kurso dito. Hanggang sa kasalukuyan, ang mga kabataang dayuhan sa mga unibersidad sa Italya ay halos 4% lamang ng kabuuang bilang, ito ay kalahati lamang ng average na bilang ng mga mag-aaral na dayuhan sa ibang bansa sa Europa.
Sa kabila nito, ay itinalaga ng Stability Law 2016 (L. 208/2015) ang pagbabayad sa national entry visa (type D) para sa pag-aaral. Sa katunayan, simula Enero 1, 2016, ay simula ng pagpapatupad ng bagong “Disposizioni per la formazione del bilancio annuale e pluriennale dello Stato” at ang student visa ay nagkakahalaga na ng 50 euros.
Ito ay hindi ang tanging pagbabago sa table ng consular fees sa mga konsulado at embahada ng Italya. Mula sa taong ito ay tataas ng 20% ang fees sa mga civil status certificate (maliban sa pagkilala ng Italian citizenship by descent na nananatiling 300 euros), ilang administrative documents. Para sa legalization at translation, (na tanyag at kailangan ng mga imigrante), SPA at iba pang dokumento ay tataas naman ng 40%.