May panahon pa ang mga dayuhang mamamayan na nagnanais na i-convert sa permesso di soggiorno per lavoro ang hawak na permesso di soggiorno para sa ibang dahilan. Ito ay matapos muling palawigin hanggang December 31, 2022 ang pagsusumite ng mga aplikasyon.
Ang nabanggit na deadline ay para din sa mga employer na nais paratingin sa Italya bilang worker ang mga dayuhang mamamayan na nakatapos ng formation course sa sariling bansa.
Tulad ng nabanggit sa joint circular ng Ministries of Interior, Labor at Agriculture, mayroon pang availability o nananatiling bilang o ‘quota’ para sa dalawang kategoryang nabanggit ang huling Decreto Flussi o DPCM ng December 21, 2021. Kung kaya’t nagdesisyon ang gobyerno na palawigin pa ang itinakdang deadline sa pagsusumite ng mga aplikasyon mula sa orihinal na petsa nito na March 17, 2022 na unang pinalawgig hanggang September 30, 2022.
Sa dalawang kategorya, ang mga aplikasyon ay maaaring isumite sa pamamagitan ng service website ng Ministry of Interior at ang procedure nito ay nasasaad sa Circular ng Interior Ministry ng January 5, 2022.