Dalawang kababaihan ang regular na ninirahan sa Italya ang pinatawan ng expulsion decree matapos magbakasyon sa sariling bansa. “Ang ginawang expulsion ay hindi makatarungan”, ayon sa ASGI o Associazione Studi Giuridici sull’Immigrazione.
Ayon sa ulat ng Milan Today, ang dalawa, isang Senegalese na buntis at isang Cuban, matapos makontrol sa Arrival Terminal 1 ng Malpensa ay natuklasang pinawalang-bisa ang kani-kanilang mga permit to stay dahil sa kakulangan ng itinakdang sahod. Partikular ang sitwasyon ng Cuban na inaprubahan na ang aplikasyon ng italian citizenship at kulang na lamang ay ang pormal na ritwal ng panunumpa nito.
Ayon pa sa Asgi, ang Cuban ay nanatili sa Malpensa ng halos 100 oras samantalang ang Senegalese naman ay higit sa 50 oras. Pagkatapos ang dalawa ay agad na pinabalik sa sariling bansa sakay ng mga eroplanong papunta ng Dakar at Havana sabado ng gabi nang hindi man lamang binigyang pahintulot makausap ang kanilang abugado mula sa Asgi.
Ayon sa abugado, Giulia Vicini, ang expulsion ng dalawa ay hindi makatarungan. “Ang pagpapawalang-bisa sa kanilang permit to stay ay ipinaalam lamang sa oras ng kontrol sa Malpensa. Samakatwid, mula sa kanilang pagdating hanggang sa muling pagpasok sa bansa, sila ay may balidong dokumentasyon. Bukod dito, ang dalawa ay may karapatang labanan ito (impugnare il provvedimento). Bagay na ipinagkait ng batas dahil hindi rin sila binigyan ng pahintulot na makausap ang kanilang abugado”.