Sa isang tv transmission kamakailan, kinumpirma ni Minister of Interior Luciana Lamorgese na tatanggalin ang mga decreto di sicurezza ni Matteo Salvini. Dagdag pa niya, dapat rin umanong ikonsidera ang obserbasyon ng Presidente ng Republika.
Partikular, ipinaliwanag din ng ministra na babaguhin ang inaprubahang batas ukol sa pagmumulta sa mga NGOs na sumasalba sa buhay ng mga imigrante sa dagat.
Basahin rin:
Decreto Salvini, ang nilalaman, Decreto Sicurezza bis, ganap ng batas!
Kaugnay nito, patuloy na pinag-uusapan ang posibleng regularization o sanatoria ng mga undocumented dahil sa naging kasagutan ng ministra sa parliyamento kamakailan. Inaasahan ang pag-usad ng diskusyon ukol dito.
Samantala, tinatayang higit sa kalahating milyon ang mga dayuhang walang regular na dokumento upang manatili sa bansa, ayon sa Ismu Foundation. At ang emersione o paglabas ng 300,000 undocumented ay maaaring magpasok ng 1.2 billion euros sa bansa. Ang estado ay maaaring magpasok sa kaban ng bansa ng 405 milyong buwis at 804 milyong kontribusyon sa social security.
Tanging sa domestic job tulad ng colf, caregivers at babysitters ay tinatayang aabot sa 200,000 ang walang dokumento. Idadagdag pa sa bilang na ito ang mga nagta-trabaho sa sektor ng agrikultura at sa mga kumpanya na tinatayang may kabuuang bilang na 562,000. (ni: PGA)
Basahin din: Undocumented sa Italya: Regularization o Flussi