Makalipas ang dalawang buwang paghihintay, mayroon ng balita mula sa gobyerno ni Meloni ukol sa decreto flussi para sa taong 2022. Narito ang mga paglilinaw na opisyal na inilathala pagkatapos ng Konseho ng mga Ministro kahapon, December 21, 2022.
Batay sa nabanggit na press release ng Konseho ng mga Ministro, ang Decreto Flussi ay ilalabas pagkatapos ng Pasko o bago magtapos ang taon hanggang sa simula ng papasok na taon, 2023.
Paglilinaw sa proseso ng Decreto Flussi
Binanggit sa press release ang proseso na nilalaman ng Testo Unico ng Imigrasyon, partikular ang proseso para sa mga employers na dapat gawin bago ang mag-imbita ng worker mula sa ibang bansa. Sa katunayan, ang employer ay dapat makipag-ugnayan sa karampatang employment center upang i-verify kung posible na makahanap ng isang manggagawa na may parehong profile, na nasa Italya na bago tumawag sa isang dayuhang manggagawa na wala sa Italya. Para magawa ito, maglalathala ang ANPAL (National Agency for Active Labor Policies) ng isang form na kailangang gamitin ng mga employer para makahingi ng worker na nakatala sa employment center. Kung sakaling hindi matatagpuan ang isang worker sa Italya, sa puntong ito pa lamang makakapag-request ng bilang o quota (o maraming bilang) sa decreto flussi.
Ilan ang bilang o quota ng Decreto Flussi 2022-2023?
Ayon sa unang impormasyon na nasasaad sa press release ng Konseho ng mga Ministro ng December 21, 2022, may kabuuang 82,705 quota ang inaasahang hahatiin para sa aplikasyon ng nulla osta para sa lavoro subordinato stagionale, lavoro autonomo at conversion ng ilang uri ng permesso di soggiorno para sa lavoro subordinato at lavoro autonomo.
Sa mga susunod na araw ay malalaman kung paano gagawin ang paghahati ng mga bilang o quota. Gayunpaman, ipinapaalala na may nakalaang na bilang sa ilang kategorya na nasa nakaraang decreto:
- Quota para sa mga manggagawa mula sa mga bansang may kasunduan ng pakikipagtulungan ukol sa imigrasyon sa Italya;
- Quota para sa mga manggagawa na sumailalim sa vocational formation sa kanilang mga host country;
- Quota na inilaan para sa ilang mga propesyonal na organisasyon ng mga employer tulad ng CIA – Coldiretti – Confagricoltura – Copagri – Alleanza delle cooperative (kabilang ang Lega cooperative at Confcooperative), noong nakaraang taon.
Kaugnay nito, marami ang nangangamba dahil sa malalang sitwasyon ng mga pending application ng Sanatoria 2022 at huling Decreto Flussi at samakatwid, maraming dayuhan pa ang naghihintay ng releasing ng permesso di soggiorno. (PGA)