Batay sa regulasyon ng Decreto Flussi, matapos matanggap ang ‘nulla osta al lavoro’ at ang entry visa mula sa Italian Embassy ay makakapunta na ang worker sa Italya.
Sa katunayan, para sa mga Pilipino na naghahangad na makapag-trabaho sa Itaya, ito ay unang bahagi lamang ng proseso. At samakatwid, may ikalawang bahagi ng proseso na dapat gampanan bago tuluyang lumipad ang worker papuntang Italya.
Narito ang apat na pangunahing hakbang ng Decreto Flussi na dapat gawin sa Italya at sa Pilipinas
- Ang aplikasyon para sa ‘nulla osta al lavoro’ sa Sportello Unico per l’Immigrazione sa pamamagitan ng click day sa Italya;
- Ang aplikasyon ng entry visa sa Italian Embassy sa Pilipinas;
- Ang pagkakaroon ng Exit Pass o tinatawag din na OEC (Overseas Emplyment Certificate) na iniisyu ng DMW o Department of Migrant Workers;
- Ang PDOS o Pre-Departure Orientation Seminar na ibinibigay ng CFO o Commission on Filipinos Overseas.
APLIKASYON NG NULLA OSTA AL LAVORO
Ang bahaging ito ay kilala ng marami dahil sa tanyag na ‘click day’ na itinatalaga ng gobyerno ng Italya. Ang aplikasyon ay inihahanda ilang linggo (o buwan) bago ang itinakdang click day kung saan kinakailangan ang balidong personal ID ng employer, kung pribado (at mga dokumentasyon ng kumpanya) at balidong pasaporte ng worker.
Matapos matugunan ang mga kinakailangang dokumentasyon, ang nulla osta ay ipinapadala direkta sa Italian Embassy/Consulate Pilipinas kung saan residente ang worker.
APLIKASYON NG ENTRY VISA SA ITALIAN EMBASSY
Ang aplikasyon para sa entry visa ay hindi direktang ginagawa sa Italian Embassy, bagkus ay sa pamamagitan ng VFS Global, o ang Visa Application Centers, kung saan maaaring mag-aplay ng lahat ng uri ng entry-visa papuntang Italya. Sa kasalukuya, mayroong apat na Italy Entry Visa Application Centers sa Pilipinas (Taguig, Cebu, Batangas at Davao).
Pagkatapos magkaroon ng entry visa ng future Ofw, ay kailangang magampanan ang susunod na bahagi ng proseso na hinihingi ng gobyerno ng Pilipinas.
EXIT PASS O OEC
Ang Exit pass o OEC ay isang sertipiko na ibinibigay ng Department of Migrant Workers bago tuluyang magpunta ng Italya ang future Ofw. Ang nabanggit na sertipiko ay ina-aplay sa pamamagitan ng mga Accredited Agencies dahil ito ay hindi maaaring personal na i-aplay ng worker. Ito umano ay upang maiwasan ang pagpapalsipika ng mga dokumento.
Ang accredited agency, sa pagpo-proseso ng exit pass ay kakailanganin ang mga sumusunod na dokumentasyon:
- Entry visa ng worker;
- Nulla osta mula sa Sportello Unico;
- Valid document ng employer at worker;
- Judicial Record o Casellario Giudiziario ng employer, translated in english
- Chamber of Commerce Certificate, Company Profile & Revenue Generating Capacity (Visura Camerale, Profilo aziendale e capacità reddituale) naman kung isang kumpanya.
Ang lahat ng mga nabanggit ay isa-submit sa POLO Rome o POLO Milan para sa pagsusuri.
Ang POLO Rome ay nagre-require ng isang video call sa employer, sa wikang ingles. Sakaling hindi marunong magsalita sa wikang ingles ang employer ay maaaring humingi ng tulong mula sa isang third person.
Samamtala, sa POLO Milan, ay walang anumang video call at ang pagsusuri ay sa pamamagitan lamang ng mga nabanggit na dokumentasyon sa itaas.
Layunin sa hakbang na ito ang suriin ang kakayahang pinansyal ng employer at siguraduhin ang work place ng worker sa dalawang magka-ibang paraan.
Pagkatapos ng pagsusuri ay pipirmahan ng POLO ang mga dokumento at ibibigay ang mga ito sa employer upang ipadala ang mga ito sa Pilipinas. Pagkatanggap ng DMW sa mga dokumento ay ibibigay ay EXIT Pass.
Sa kabilang banda, ang accredited agency ay sinururi naman ang kundisyon ng worker. Sa katunayan, ay hinihingi ng ahensya ang NBI clearance at ang medical certificate ng worker.
PDOS o Pre-Departure Orientation Seminar
Bago pa man matanggap ang exit pass ay maaari ng magpa-schedule para sa Pre-departure seminar o PDOS. Layunin ng seminar na ito ang tulungan at ipaalam sa Pilipino kung paano magiging madali ang integrasyon sa host country.
Sa pagtatapos ng apat na bahagi ng proseso ng Direct Hire o ang pagkakaroon ng nulla osta, entry visa, exit pass at PDOS, ang employer ay makakabili na ng plane ticket papuntang Italya.
Ipinapaalala na ang prosesong ito ay tanging mga Pilipino lamang ang mayroon dahil ito ay bahagi ng pinirmahang “Agreement of Bilateral Cooperation on Labour Migration” noong November 2016 ng dalawang bansa. Ayon sa kasunduan, layunin nito ang gawing maging mas madali ang recruitment at inclusion ng mga Pilipino sa labor market ng Italya at kasabay nito ang higit na proteksyon sa karapatan ng mga Pilipinong manggagawa sa Italya.
Basahin din:
- Application forms ng Decreto Flussi 2024, available na!
- Hindi nakapasok sa Flussi 2023, narito kung paano isa-submit ang parehong aplikasyon sa Flussi 2024