Nakatakda ngayong araw, March 17, 2022, ang deadline sa pagsusumite ng aplikasyon para sa nulla osta o work permit ng Decreto Flussi. Ngunit extended ang deadline sa pagsusumite ng aplikasyon para sa conversion ng mga permesso di soggiorno at para sa pagpasok ng mga dayuhang sumailalim sa formation courses (artikulo 4, talata 1, 3 at 4 ng DPCM Dec. 21, 2021).
Basahin din: Click days ng Decreto Flussi 2021
Samakatwid, para sa sinumang magpapa-convert ng permesso di soggiorno sa lavoro mula sa ibang motivo ay may panahon hanggang September 30, 2022. Ito rin ang deadline na itinakda para sa aplikasyon sa pagpasok ng mga sumailalim sa formation courses.
Ayon sa Circular mula sa Ministry of Interior, nagtalaga ng bagong deadline ang gobyerno, dahil mayroon pang available slots sa parehong nabanggit.
Ayon sa Ministry, hanggang sa kasalukuyan ay 45% lamang ang mga aplikasyong natanggap mula sa nakatalagang 7,000 slots para sa conversion ng mga permesso di soggiorno. Bukod dito, ang 100 slots na nakalaan para sa mga workers na nakatapos ng kurso sa sariling bansa batay sa artikulo 23 ng Testo Unico dell’Immigrazione, ay available pa lahat.
Sa dalawang nabanggit, ang mga employer ay maaaring mag-fill up at magsumite ng aplikasyon sa pamamagitan ng website ng Ministry of Interior, https://nullaostalavoro.dlci.interno.it.
Ang Decreto Flussi ay nagpapahintulot sa regular na pagpasok at pagta-trabaho sa Italya ng 69,700 foreign workers. Sa bilang na nabanggit ay nakalaan ang 42,000 para sa seasonal job at 27,700 naman para sa non-seasonal at self-employment. (PGA)