Pinag-aaralan ng Konseho ng mga Ministro ang isang bagong panukala o decreto legge para sa pamamahala ng mga migrante sa Italya. Ang nag-iisang panukala na “naglalaman ng mga probisyon sa regular na pagpasok ng mga dayuhang manggagawa, pag-iwas at paglaban sa iregular na imigrasyon” ay ginawa ng iba’t ibang mga ministri, kabilang ang Interior, Justice, Defense, Labor at Foreign Affairs.
Kabilang sa mga pagbabago na nilalaman ng bagong decree ay ang depinisyon ng preferential quota para sa mga manggagawa mula sa mga bansang nakikipagtulungan sa Italya sa pagsulong ng mga kampanya ukol sa mga panganib ng hindi regular na imigrasyon. Ang decreto flussi ay magiging tuwing ikatlong taon, sa halip na taun-taon, na ang maximum na bilang o quota ng mga dayuhang pinahihintulutang makapasok sa Italya para sa subordinate, seasonal at self-employment na trabaho ay itinatalaga ng dekreto ng Presidente ng Konseho ng mga Ministro.
Nasasaad din sa dekreto ang mas matinding parusa para sa mga smugglers o ‘scafisti’ kasabay nito ang pagpapalakas ng mga detention centers para sa mga repatriations. Sinumang nagtataguyod, namamahala, nag-oorganisa, nagpipinansya o nagsasagawa ng transportasyon ng mga dayuhan sa ilegal na paraan, na naglalagay sa panganib sa kanilang buhay o kaligtasan o nagsasailalim sa hindi makataong pagtrato, ay parurusahan ng dalawampu hanggang tatlumpung taong pagkakakulong kung tumutukoy sa hindi sinasadyang pagkamatay ng ilang tao.
Ang mga bagong probisyon ay tumutukoy din sa pagpapalakas ng mga detention center para sa repatriations, na ipatutupad hanggang December 31, 2025. Ang National Anti-Corruption Authority (ANAC) ang mangangasiwa sa collaborative supervisory activity para sa pagpapalawak ng network ng mga detention center.
Ang decreto legge ay inaasahang magkakabisa para sa tatlong taon 2023-2025, ngunit maaari pa ring pagtibayin ang karagdagang dekreto sa panahong nabanggit. Ang mga aplikasyon na lumampas sa limitasyon ng dekreto ay susuriin kasunod ng availability ng mga susunod na dekreto. (www.stranieriinitalia)