Isinusulong ng ASSINDATCOLF (National Association of Domestic Work Employers) ang muling pagbubukas ng gobyerno ng Italya ng Decreto Flussi sa domestic sector.
Ito ay matapos isagawa ng Idos Study and Research Center ang research na “Ang karagdagang pangangailangan para sa dayuhang manggagawa sa domestic sector. Estimates and prospects” na nakapaloob sa 2023 Report “Family (Net) Work – Laboratory on home, family and domestic work”, sa pakikipagtulungan ng Censis, Effe (European Federation for Family Employment & Home Care), Fondazione Studi Consulenti del Lavoro at ang Idos Study and Research Center.
Ayon sa pag-aaral, upang matugunan sa Italya ang pangangailangan ng mga pamilya sa pag-aalaga ng mga tahanan at mga mahal sa buhay, tinatayang kakailanganin ang hanggang 23,000 non-EU workers bilang mga colf at caregivers.
Noong 2022, 1,328,000 indibidwal ang nangailangan ng dayuhang manggagawa: humigit-kumulang 651,000 caregivers at mahigit 677,000 domestic workers at babysitters. Kung isasaalang-alang ang inaasahang pagtaas ng populasyon ng matatanda, tinatayang tataas ito hanggang sa 1,402,000 katao sa 2025, kung saan 687,000 ang mangangailangan ng mga caregivers at 715,000 colf at iba pa.
Batay pa sa ginawang research, ang pangangailangan para sa karagdagang dayuhang manggagawa, para sa triennial 2023-2025, ay nasa pagitan ng 74,000 at 89,000 manggagawa (na isinaalang-alang din ang pagreretiro ng mga dayuhang manggagawa sa pagsapit sa pensionable age), para sa average na 25,000/30,000 bawat taon. Kung ibabawas sa bilang ang mga Europeans, ang pangangailangan para sa karagdagang non-EU manpower ay nasa pagitan ng humigit-kumulang 57,000 at 68,000 para sa triennial, at may taunang average na 19,000-23,000 entries mula sa ibang bansa. (PGA)