Hanggang € 960 ang halaga ng tax refund na matatanggap ng mga colf sa bonus irpef.
Roma, Abril 22, 2016 – Ito ay ang kilalang 80 euros monthly na tinatanggap ng mga empleyado sa buong taon sa bawat pay slip, kung nagtataglay ng mga requirements. Iba ang proseso para sa mga colf, care givers at babysitters, dahil ang mga employers nila ay ang pamilya na hindi kumakatawan bilang withholding agent at samakatwid ay hindi maaaaring magbigay ng bonus, sa halip na estado.
Ang solusyon? Ang bonus ay matatanggap sa susunod na taon at sabay-sabay, matapos ang paggawa ng tax return o dichiarazione dei redditi.
Ang sahod sa puntong ito ay mahalaga. Ito ay nakalaan ng buo sa sinumang ang kabuuang sahod ay mula 8,000 hanggang 24,000 euros; sa mayroong kabuuang sahod mula 24,000 hanggang 26,000 ay nababawasan ang bonus. Wala namang bonus ang may sahod na mas mababa sa 8,000 euros na hindi na nagbabayad ng buwis at ang mga may sahod na mas mataas sa 25,000 euros, kasong bihira sa mga domestic workers.
Pagkatapos gawin ang tax return ay kinakalkula ang buwis na babayaran, kung saan naman mula dito ay ibabawas ang halaga ng bonus. Kung ang bonus ay mas mataas kaysa sa babayarang buwis, ang colf ay matatanggap ang diperensya nito, na matatanggap sa pamamagitan ng bank credit.
Upang malaman kung nagtataglay ng mga requirements at kung magkano ang matatanggap na bonus, ang tanging dapat gawin ay ang magtungo sa Centro di Assistenza Fiscale o CAF.
“Ang bonus ay angkop sa sahod ng maraming domestic worker, partikular sa mga naka-live in. At samakatwid, ay mahalagang alam nila ang pagkakataong ito”, ayon kay Raffaella Maioni, ang national head ng Acli-Colf.
“Ang tax return, bukod sa pagiging obligatorya ay mahalaga upang matanggap ang family allowance (assegni familiari), deduction ng mga health expenses at ilang benepisyo at dahil dito ay aming ipinapayo ang magtungo sa CAF”, ayon kay Maioni. “Tumaas ang tax awareness sa mga huling taon ngunit kailangan ang higit pang pagtaas nito. Ngunit ang pagkakaroon ng mga ‘lavoro nero’ ay hindi makakatulong”.