Sinampahan ng kasong exploitation of labor at inaresto kamakailan ang isang employer na nagmamay-ari ng bukirin sa Nardo, malapit sa Lecce.
Ayon sa report, nagsuplong sa carabinieri ng Gallipoli ang limang kalalakihang Tunisian ukol sa pananamantala umano ng employer sa kanila.
Ang lima ay walang off na nagtrabaho simula June 17 hanggang July 2, 2019. Bukod dito, ay wala ring hintong mag-trabaho kahit sa kasagsagan ng sikat ng araw na labag sa ordinansa kung saan nasasaad ang pagbabawal na mag-trabaho sa bukid mula 12:30 hanggang 16:30 mula Hunyo 21, 2019 hanggang Agosto 31, 2019.
Lahat ng ito kapalit ang € 1,40 sa bawat quintal o 100 kilos ng aanihing pakwan.
Hindi rin umano sumusunod sa kundisyon ng sanitation at hygiene ang lugar kung saan halos sapilitang nagta-trabaho ang lima at sa katunayan ay matatagpuan ang banyo di kalayuan sa mga pakwan. Wala ring medical certificate o anumang formation at information course ang lima.