Ang assegni familiari o family allowance ay kinikilala rin sa mga dayuhang mayroong permesso unico di soggiorno na balido ng higit sa anim na buwan.
Roma – Sa hatol noong Hunyo 21, 2017 ay nagpasya ang European Court of Justice na, batay sa mga prinsipyo ng pantay-pantay na pagtingin na itinalaga ng Directive 2011/98, at isinabatas sa Italya sa pamamagitan ng Legislative decree n. 40/2014, ang assegni familiari o family allowance ay kinikilala rin sa mga dayuhang mayroong permesso unico di soggiorno na balido ng higit sa anim na buwan.
Partikular, sa kaso ng isang Ecuadorian na Nanay na residente sa Italya kasama ang tatlong anak na menor de edad at nagtataglay ng permesso unico di lavoro na balido ng higit sa tatlong buwan, ay nag-aplay sa Inps ng assegno per grandi famiglie con tre o piu figli minori at mayroong kabuuang sahod na mas mababa kaysa sa itinalaga.
Tinanggihan ng Inps ang aplikasyon dahil ayon umano sa batas ang nabanggit na benepisyo ay ibinibigay lamang sa mga refugees o mayroong international protection status at mga mayroong EC long term residence permit at hindi nasasaad ang pagbibigay ng benepisyo sa mayroong permesso unico di lavoro.
Dinismis ng Genoa Court sa unang pagkakataon ang isinampang kaso ng Ecuadorian habang ang Court of Appeals, sa pagkakaroon ng alinlangan ukol sa compatibility ng pambansang batas sa batas ng Europa, ay hiningan ang Court of Justice na ipaliwanag ang batas ng permesso unico di soggiorno at di lavoro na ibiibigay sa mga non-EU nationals.
Nilinaw ng European Court of Justice na ang benepisyong hinihingi ng Ecuadorian ay isang social security benefit at nauugnay sa kategorya ng benepisyo para sa pamilya na tinutukoy sa regulasyon ng EU sa sistema ng social security.
Sinuri rin kung ang Member State, samakatwid ang Italya, ay maaaring hindi isama ang mga non-Europeans na permesso unico di lavoro holders mula sa benepisyo.
Sa puntong ito, ayon sa Korte, ang mga non-Europeans na nasa isang Member State para mag-trabaho ng may pahintulot ayon sa batas ng host country o ng Europa, ay makikinabang ng pantay na pagtingin katulad ng mga mamamayan ng host country.
Ipinapaalala rin ng korte na ang karapatan sa pantay na pagtingin ay kumakatawan bilang pangkalahatang panuntunan ngunit bawat bansa ay may karapatang magkaroon ng listahan ng mga hindi kabilang o hindi makakatanggap sa karapatan.
Gayunpaman, ang mga probisyon ng batas sa Italya ay hindi maaaring ipatupad bilang pagsunod sa mga nabanggit na exception. Samakatwid, kinikilala ng korte ang benepisyo na nasasaad sa artikulo 65 L.448/1998, bilang pagpapatupad sa mga layunin nito at mga itinalagang requirements at hindi sa pamamagitan ng ‘paghuhusga’, at ito ay nabibilang sa benepisyo ng social security at samakatwid ay kinikilala at ibibigay sa lahat ng mamamayang dayuhan katulad ng mamamayang Italyano.