Inilunsad ni bagong Minister for Family and Disability Elena Bonetti ang Family Act at muli ring binuksan ang tema ng ‘Ius culturae’. “Ang isang bata, anak ng dayuhan at nakatapos ng isang scholastic cycle sa bansa ay dapat pagkalooban ng Italian citizenship sa pamamagitan ng Ius culturae”.
Ayon kay Minister Elena Bonetti “Kung ang Estado ay namuhunan na sa pagpapa-aral sa isang bata, ay dapat lamang na bigyang-halaga ito”. Sa katunayan ay inihalintulad pa ito ng ministra sa isang manlalaro na matapos hasaing mabuti ay hindi pinaglaro sa araw ng liga o laban.
Ipinaliwanag rin ng ministra ang kahulugan ng ‘asilo gratis’ o free nursery at ang assegno unico o single allowance na napapaloob sa Family Act.
Ito umano ay upang hikayatin ang mga Ina na bumalik sa trabaho matapos ang panganganak at bigyang-halaga ang edukasyon at labanan ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan mula pa lamang sa pagkabata. “Pinag-aaralan naming mabuti kung ano at paano ang mabuting ilagay sa manovra”.
Gayunpaman, nilinaw ni Bonetti na ang Ius culturae ay hindi bahagi ng programa ng kasalukuyang gobyerno.
Aniya isang pagkakamali ang hindi ito naaprubahan sa nakaraang lehistradura at dahil dito, “kasama ang komite ng kilusang isinulong ni Renzi ay muli namin itong ilulunsad sa pamamagitan ng isang panukala dahil ang mga batang ipinanganak at lumaki sa bansang ito, na nagtapos ng kahit isa sa scholastic cycle, maaaring elementarya o middle school, ay dapat magkaroon ng Italian citizenship. Ang kanilang identidad ay italyano”, pagtatapos ng ministra.
Si Elena Bonetti ay isa sa mga follower ni Renzi, na tulad ni Agriculture Minister Bellanova ay nagpahayag din na pagsuporta sa bagong tatag na Italia Viva ni Matteo Renzi.
Basahin rin:
Reporma sa Citizenship, narito ang nilalaman