Ang Pilipinas Ofspes ay regular na nag-oorganisa ng mga aktibidad para sa mga OFWs sa Roma upang magbigay ng mga pagkakataon na mapalawak ang kaalaman tungkol sa Financial Education o Literacy.
Sa isang forum na inorganisa ng Pilipinas OFSPES noong Linggo, ika-5 ng Setyembre na ginanap sa Marian Hall ng Sentro Pilipino Chaplaincy sa Roma, tampok ang programa at serbisyo ng mga rural bank para sa mga OFWs.
Ang Associazione Pilipinas OFSPES ay nag-imbita ng isang resource person galing sa isang rural bank, ang Bangko Kabayan (BK) upang magbigay kaalaman sa mga OFW kung anu-ano ang mga serbisyo ng mga rural bank para sa OFW at kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Ang BK ay itinayo pa noong 1957 sa pangalang Rural Bank ng Ibaan sa probinsya ng Batangas. Ito’y may 14 na mga branch sa iba’t ibang mga bayan ng Batangas at kinikilalang isa mga matatatag na rural bank sa ating bansa.
Ipinakilala ni Alexandra Ganzon o Alex, ang representante ng Bangko Kabayan sa Italya, na nakatira sa Florence, ang kasalukuyang tatlong programa o package para sa mga OFWs:
• OFW Housing Loan – para sa pagpapagawa ng bahay o pagbili ng lupa para magpatayo ng bahay
• Sure Save – 5-year time deposit lock out na may free life insurance; ang interes ay maaring kunin buwanan
• OFW (Our Future Wealth) Savings – 10-year time deposit, at pagkatapos ng 10 taon ay madodoble ang deposito (minimum: PhP 100,000) at may libreng life insurance.
Marami ng mga award ang natatanggap ng BK para sa kanyang mga programa lalo na nauukol sa microfinance sa probinsya. Ang BK ay kasama sa isang consortium ng mga matatatag na rural bank sa iba’t ibang parte ng Pilipinas na nagtayo ng ‘Bayani ng Bayanihan’ upang magsama-sama sa pagbuo ng mas maraming serbisyo at programa para sa mga OFW.
Para sa mga interesadong makaalam pa ng mga programa ng BK at ibang mga rural bank, i-contact si: Alex Ganzon <alex.ganzon@gmail.com>
Ang nasabing forum ay isa sa mga regular na aktibidad na inoorganisa ng OFSPES para mabigyan ang ating mga kababayan sa Roma ng mga pagkakataon na mapalawak ang kaalaman tungkol sa Financial Education o Literacy. Ang partikular na forum na ito ay ginanap para mabigyan ng mas maraming impormasyon ang mga OFWs tungkol sa mga maaaring paglagyan ng mga inipon (savings) bilang investment.
Subaybayan ang mga ibang forum na gaganapin sa darating na mga buwan. Ang OFSPES ay nag-oorganisa rin ng Leadership at Social Entrepreneurship (LSE) training program na kasama ang pagturo ng financial literacy para sa ating mga kababayan. Ito ay mag-uumpisa sa ika-12 ng Setyembre 2010 hanggang sa Marso 2011.
Lahat ng mga interesado ay lumapit lang sa POLO-OWWA o kay: Tina Liamzon (3382119260). Bukas ang registration sa LSE hanggang ika-26 ng Septiyembre. (Tina Liamzon, OFSPES)