Libu-libong mga abiso ang naging sanhi ng paniko sa kasalukuyan ng maraming pamilya.
Sa buong Italya ay umabot sa 214,000 ang mga ‘avvisi di accertamento’ mula sa Inps sa mga employer dahil sa hindi umano pagbabayad ng kontrtibusyon ng mga colf, caregiver o babysitter ng ilang trimester payment mula 2012. Sa abiso ay inaanyayahan ang mga employer na ayusin ang kulang at delayed payment at gawing regular ang posisyon ng mga colf sa Inps.
Gayunpaman, ayon kay Teresa Benvenuto, national head ng Assindatcolf (Associazione nazionale dei datori di lavoro domestico), ito ay tumutukoy sa isang pagkakamali ng Inps dahil sa hindi umano updated ang sistema ng nabanggit na tanggapan.
“Maraming employer ang walang pananagutan dahil regular ang naging komunikasyon ng pagtatapos ng hiring at pagbabayad ng bollettini“.
Sa ganitong mga kaso, ay maaaring tanggihan ang nasabing abiso sa pamamagitan ng pagsunod sa ilang tagubilin upang pawalang-bisa ang abiso.
Maaaring gawin ang pagtanggi sa pamamagitan ng pagtawag sa Contact center ng Inps o online sa pamamagitan ng section “lavoratori domestici” sa website ng Inps gamit ang lakip na self-certification form sa abiso.
Ang form ay magpapahintulot na patunayan ang ginawang komunikasyon o ‘cessazione del raporto di lavoro’ kung nagtapos ang hiring, at kung nagpatuloy naman ang hiring at tumupad sa obligasyon, ang mga kopya ng bayad na bollittini.
Kung ang employer ay ginawa naman ang obligatory communication ng ‘cessazione del lavoro’, bukod sa mga pamamaraang nabanggit sa itaas, ay maaari ring ipadala ang kopya nito through fax sa numero verde na 800803164.
Sa pamamagitan ng nabanggit na komunikasyon ay magpapatuloy ang Inps na tapusin ang hiring at pawalang-bisa ang pagbabayad ng kakulangang kontribusyon. Sa kasong ito, ay kikilalaning petsa ng pagtatapos ng hiring ang orihinal na petsa nito at samakatwid ay hindi na papatawan ng anumang multa na dapat bayaran ng employer.
Bukod sa mga nabanggit ay mayroon ding mas malalang sitwasyon. “Maraming report ang aming natanggap mula sa mga employer na pinagbabayad ng kontribusyon para sa mga colf na hindi nila kilala. Sa ganitong kaso ay inaanyayahan namin ang mga employer na gumawa ng denuncia per furto di identità sa Questura. Ito ay ipapadala rin sa Inps”, dagdag pa ni Benvenuto. “Karamihan sa mga ito ay nagamit noong panahon ng Sanatoria upang magkaroon ng permesso di soggiorno”.