Matapos ang hatol ng hukom sa mga comuni ng Bolgare at Telgate, kahit sa Seriate at Albino ay ibinalik sa dati ang mga presyo ng sertipiko. Mula sa € 220 at € 160 sa € 70 at € 27.20.
Roma, Disyembre 11, 2015 – Iniuurong ng Lega ang hinihinging daan-daang euros para sa idoneità alloggiativa.
Matatandaang sa pamamagitan ng hatol ng korte ng Bergamo ang comuni ng Bolgare at Telgate ay tinanggal ang diskriminasyon at hindi makatwirang pagtaas sa pagsingil sa mga dayuhan para sa sertipiko ng idoneità alloggiativa. Ang sertipikong ito, sa katunayan, ay kailangan ng mga dayuhan sa pag-aaplay ng carta di soggiorno at para sa family reunification.
Sa Disyembre 22 ay nakatakda sanang humarap din sa hukom ang comuni ng Seriate at Albino, salamat sa kaso ng diskriminasyon na isinampa ng apat (4) na dayuhan kasama ang ASGI, CGIL Bergamo at cooperative RUAH. Sa comune ng Albino, ang nabanggit na sertipiko ay umaabot sa halagang 160 euros at sa Seriate naman ay 220 euros.
Gayunpaman, noong nakaraang Nobyembre 30, ay kanilang pinawalang-bisa ang batas na nag-uutos sa nasabing pagtaas sa singl. Sa ngayon sa Albino, ang sertipiko ng idoneità alloggiativa ay nagkakahalaga ng 27,20 euros, sa Seriate naman ay 70,00 euros. Bukod dito, ang mga nagbayad ng higit ay maaari ring makuha ang kanilang sukli.
“Maituturing na isang tagumpay ito para sa atin at para sa ibang asosasyon na kasali sa pagsasampa ng kaso at nakikipaglaban para sa pantay-pantay na pagtingin sa mga mamamayan”, ayon kina Marta Lavanna at Alberto Guariso, ang mga abugado ng ASGI. Samantala, naghihintay pa rin sa pagkilos ng gobyerno. Ang Parliyamento ay humiling ng elaborasyon ng mga “angkop at pare-parehong pamantayan sa pagtatalaga ng patas na kabayaran ng sertripiko”.