in

Iligtas ang mga nawalan ng trabaho, dalawang taong permesso attesa occupazione at regularization

Marilena Fabbri (PD), humihingi sa gobyerno ng bagong batas para sa mga imigrante na biktima ng krisis sa ekonomiya. “Sinasayang ng Italya ang libu-libong ‘integrated’ na dayuhang manggagawa”.

 

Roma, Pebrero 10, 2016 – Nawalan ng trabaho, pagkatapos ay nawawalan din ng permit to stay. Ito ang naging tadhana ng libu-libong imigrante sa panahon ng krisis sa ekonomiya. Mga naging irregular at sa kasalukuyan ay walang anumang paraan upang muling maging regular.

Sa pinakahuling datos ng Dossier Statistico Immigrazione 2014, ay umabot sa 150,000 ang mga permit to stay na hindi na na-renew. Ilan sa 150,000 na dating nagmamay-ari ng dokumento, ang namuhunan ng pagod at pawis sa Italya para sa mas magandang kinabukasan ang bumalik sa sariling bansa ng bigo at mas nahihirapang maghanap ng trabaho?

Upang malampasan ang ganitong mga sitwasyon, ay kakailanganin ang isang regularization upang masagip ang mga dating regular at kinakailangang bigyan ng sapat na panahon upang makahanap ng bagong trabaho. Ito ang hinihingi ni Marilena Fabbri, PD deputy, sa isang committee hearing ng Constitutional Affairs sa Minsitry of Interior.

Sisimulan ito sa Immigration Law, kung saan nasasaad na ang permit to stay per attesa occupazione na inusyu sa sinumang nawalan ng trabaho ay balido ng “hindi bababa sa isang taon”. Sa maraming mga Questure ang interpretasyon ng nabanggit ay balido ng hanggang isang taon.

Dahil dito ngayon pa lamang – paliwanag ni Fabbri sa Stranieriinitalia.it – ay posible na ang mag-isyu ng permit to stay na balido ng dalawang taon. Sapat ng sabihan ng Ministry of Interior ang mga Questure, sa pamamagitan ng isang simpleng circular, na itama ng interpretasyon at ipatupad sa malawak na paraan ang batas, dahil sa patuloy na krisis. Ang sinumang nawalan ng trabaho ay magkakaroon ng sapat na panahon upang makahanap ng panibago, at maiiwasan ang pagiging irregular nito”.

Samantala, kakailanganin naman ang isang bagong batas upang maisalba sa irregularities ang mga hindi na narenew ang permesso di attesa occupazione. “Kinakailangan ang isang mekanismo ng regularization”. Kung nag-expire ang permit to stay, ngunit nagkaroon ng panibagong trabaho ay dapat bigyan ng posibilidad ng muling ma-empleyo at samakatwid, mabigyan muli ng permit to stay. Maaaring lumikha ng isang quota ad hoc, para sa mga ganitong sitwasyon, sa pamamagitan ng decreto flussi.

Ang kawalan ng ganitong pagkilos, ang magiging biktima ay hindi lamang mga dayuhan bagkus ang buong Italya. “Ang ating bansa – paalala ni Fabbri – na namuhunan ng malaki para sa integrasyon ng mga taong ito, na ating kakailanganin sa muling pagbangon ng ekonomiya na nakikita na natin ang mga unang senyales. Walang saysay ang paghahanap ng mga bagong dayuhang manggagawa, papuntahin ang mga ito sa Italya, turuan at tulungang ma-integrate, kung marami na ang mga handang tumugon sa panawagang ito?”

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Paghahanda ng aplikasyon ng seasonal workers, simula ngayong araw

Bagong uri ng permit to stay, ang halaga sa issuance at renewal nito