Aprubado na ng Konseho ng mga Ministro. Narito ang mga nilalaman para sa mga bagong darating na dayuhan sa Italya.
Rome – Tatlumpung puntos sa pag-aaral ng wikang Italyano at Sibika at Kultura, kabilang din ang pagbibigay ng katibayan sa paghahangad na maging bahagi ng komunidad (integrazione) at pag-iwas sa anumang krimen. Hindi ito isang pustahan, dito nakasalalay ang kapirasong papel na itinuturing na pinaka mahalagang dokumento upang manatili sa Italya, ang ‘permit to stay’ o ang ‘permesso di soggiorno’. Ang mga papasa ay mananatili ng Italya, ang mga hindi papasa ay pababalikin sa sariling bansa.
Ito ang sinasaad ng “integration agreement” (o accordo di integrazione), nakapaloob na din sa Security Law noong 2009, ngunit nanatiling papel lamang hanggang sa kasalukuyan. Ang regulasyon nito ay inaprubahan kahapon ng umaga sa Konseho ng mga Ministro. Hihintayin na lamang ang publikasyon nito sa Official Gazette, upang ganap na maipatupad bilang batas.
Ayon sa mga draft na umiikot sa kasalukuyan, ang kasunduan ay dapat lagdaan sa Sportello Unico o Questura ng mga dayuhan na may edad na 16 hanggang 65, ngunit hindi ito ipatutupad sa mga dayuhang nasa Italya na. Samakatwid, masasakop lamang nito ang mga dayuhang darating sa Italya sa kanilang pag-aaplay ng first issuance ng permit to stay para sa unang taon, matapos itong umpisahang ipatupad.
Ang pagpirma sa kasunduan ay nangangahulugan ng pagsusumikap na matutunan ang wikang Italyano (sa level na A2) at sapat na kaalaman ng mga pangunahing prinsipyo ng Saligang-Batas, ng Sibika at Kultura ng bansa gayun din ng mga tanggapang institusyon sa Italya tulad ng mga health center, paaralan, social services, trabaho at ukol sa mga buwis. Ito ay sumasaklaw din sa mga magulang na pag-aaralin ang kanilang mga anak hanggang sa middle school o lower secondary school (o scuola media) bilang obligatory education sa bansa. Ito din ay awtomatikong paglahok sa “Carta dei valori della cittadinanza e dell’integrazione’ ng Ministry of Interior.
Matapos itong pirmahan ay kailangang pumasok sa isang free short course ng ‘Sibika at Kultura’, ngunit sa draft ay hindi binanggit ang wikang italyano. Sa mga courses, ay ilalahad sa dayuhan ang iba’t ibang uri o proseso sa isang ganap na integrasyon (tulad ng pag-aaral ng libre ng wikang italyano) na ipinagkakaloob sa lalawigan.
Ang integrasyon diumano ay susukatin sa pamamagitan ng merit system na ugnay sa kaalaman sa wika, sa mga kurso at anumang kwalipikasyon (titolo di studio) ng dayuhan; kaugnay din ang anumang kaalaman ukol sa pang araw araw na pamumuhay tulad ng pagpili ng family doctor (medico di base), ang pag-rerehistro ng kontrata ng upa ng apartment, entrepreneurship o mga volunteer works. Demerit system naman kung may kinalaman sa krimen o anumang uri ng kaso kahit hindi pa sentensyado, na maaaring personal, administratibo o may kinalaman sa buwis.
Dalawang taon pagkatapos na pirmahan ang kasunduan, ang Sportello Unico ay susuriin ang mga papeles na isinumite ng mga dayuhan (mga sertipiko ng pag-attend sa mga kurso, diploma etc.) o, kung wala ang mga ito, ay pakukunin ng isang pagsubok o test. Sa parehong mga kaso, ang pagsubok ay may angkop na points: mula 30 points pataas ang kasunduan ay ituturing na iginalang o sinunod ng dayuhan, samantalang mula 0 hanggang 29 points ay ituturing na ‘repeater’ ang dayuhan at kinakailangan ang maabot ang 40 points hanggang sa isang taon. Sa kasamaang palad, kung ang puntos ay 0 o mas mababa pa dito (negative 0 points), ay pababalikin ang dayuhan sa sariling bansa.