Nailathala na ang regulasyon at ipatutupad sa loob ng apat na buwan. Ipatutupad lamang sa mga bagong papasok ng bansang Italya. Narito ang nilalaman.
Rome – Pag-aralan ang wikang Italyano at ang Sibika, pag-aralin ang mga anak, samakatwid ay mamuhay ng matuwid. Ito ang mga bagong pamamaraan na dapat tupdin mula sa Marso ng mga nagnanais pumasok at mamuhay sa bansang Italya.
Ito ay inihayag higit dalawang taon na ang nakalipas (nilalaman din ito ng Security law noong 2009), at opisyal ng nilathala ang regulasyon ng “Integration agreement sa pagitan ng dayuhan at ng bansa” sa Official Journal. Naglalaman ito ng tinatawag na Permit to stay Point System (o permesso di soggiorno a punti), isang sistema ng “gantimpala at parusa” na ugnay sa pag-uugali ng mga migrante ayon sa mga parameters na napili ng katatapos lamang na gobyerno.
Ang kasunduan ay lalagdaan sa Sportello Unico per l’immigrazione o sa Questura ng mga dayuhang may edad mula 16, ngunit hindi nito apektado ang sinumang nasa Italya na. Sa katunayan ay ipatutupad lamang ito sa mga dayuhang papasok pa lamang ng bansa matapos umpisahang ipatupad ang regulasyon nito at sa sinumang magkakaroon ng permit to stay na may isang taong validity.
Kasabay ng pagpirma nito ay ang pagsang-ayon upang matutunan sa loob ng dalawang taon ang kaalamang elementarya sa wikang italyano o ang tinatawag na level A2 at sapat na kaalaman ng mga pangunahing mga prinsipyo ng Saligang-Batas, ng mga Institusyon at ang pamumuhay sa Italya, lalo na ang ukol sa kalusugan, edukasyon, serbisyong panlipunan, labor at ang pagbabayad ng buwis. At mangangako na pag-aaralin ang mga anak at makikilahok sa “Carta dei valori della cittadinanza e dell’integrazione” ng Interior Ministry.
Sa loob ng tatlong buwan ay dapat lumahok sa isang libre at maigsing kurso ng “civic education at impormasyon sa pamumuhay sibil” na tumatagal mula lima hanggang sampung oras sa sariling wika o kung hindi man ito posible, ay maaaring pumili sa mga wikang: Ingles, Pranses, Espanyol, Arabic, Tsino, Albanian, Russian at Filipino. Makakatanggap din mula sa mga kursong ito ng mga impormasyon ukol sa iba’t ibang “inisyatiba para sa proseso ng integrasyon” (tulad ng mga libreng kurso sa wikang Italyano) sa maraming mga lalawigan.
Ang Integration, ayon pa dito, ay masusukat sa pamamagitan ng mga puntos (o credits/merits), ang labing-anim na puntos ay awtomatikong nakatalaga sa pagpirma ng kasunduan. Ang mga puntos ay nauugnay sa kaalaman sa wika, ang mga kursong kinuha at mga kwalipikasyon ng bawat dayuhan, pati na rin sa ilang mga kaalaman, tulad ng pagpili ng doktor, sa pagpaparehistro ng upa ng apartment at entrepreneurship o ang pagbo-boluntaryo. Gayunpaman, ang mga puntos ay maaaring mabawasan o mawala sa pagkakasangkot sa mga krimen kahit wala pang sentensya, paglabag sa Security law at mga administratibong pamamaraan at hindi pagbabayad ng buwis.
Dalawang taon matapos itong pirmahan, ang Sportello Unico per l’Immigrazione ay susuriin ang mga dokumentasyon ng dayuhan (sertipiko ng pagdalo sa mga kurso, mga kwalipikasyon, atbp.) o, kung wala ang mga ito, ay ihaharap sa isang pagsubok. Sa parehong mga kaso, ang mga pagsubok ay may angkop na puntos: mula 30 pataas, ang kasunduan ay kikilalaning nirispeto ng dayuhan; samantala mula 1 hanggang 29 puntos ay maitututring na hindi, at bibigyan ng isa pang taon upang maabot ang 30 puntos. Sa kasamaaang palad, kung ang puntos ay zero o mas mababa pa dito, ay tatanggalan ng pagkakataong manirahan sa Italya at bibigyan ng expulsion.
Ang Interior Ministry ang gagawa ng isang rehistro ng mga signatories ng Kasunduan, kung saan itatala rin ang lahat ng iskor ng mga ito. Ang mga pagbabago ng puntos ay ipaaalam naman sa mga signatories na mayroong access sa rehistrong ito upang alamin ang kanilang kasalukuyang posisyon.
Isang tunay na rebolusyon para sa migrasyon sa Italya, ngunit magkakaroon ba ng sapat na panahon upang maghanda? Ang Integration agreement ay ipatutupad 120 days matapos itong ilathala: samakatwid, ito ay nakatakdang ipatupad sa nalalapit na Marso 10, 2012.
Anu-ano ang mga nagbibigay ng puntos (B)
Anu-ano ang mga nagtatanggal ng puntos (C)