Sa Italya, ang mga debate tungkol sa ius soli at ius scholae ay naging mainit na paksa sa politika at lipunan, lalo na sa usapin ng imigrasyon at integrasyon pagkatapos ng Paris Olympics 2024.
Ang umiiral na batas sa citizenship sa Italya ay isang ‘lumang’ batas na inaprubahan noong 1992. Sa kabila ng maraming pagtatangka at pagsusumikap na baguhin ito, makalipas ang 32 taon ay nananatili pa ring ito ang umiiral sa bansa.
Paano makakapag-aplay ng italian citizenship at anu-ano ang mga hadlang na hinaharap ng marami? Oo marami, dahil sa Italya ang citizenship by naturalization isang hindi isang karapatan bagkus ito ay ipinagkakaloob matapos matugunan ang mga kundisyong itinalaga ng batas.
Dahil dito, ang isang 25 anyos na dalaga na dumating sa Italya noong bata pa, dito nagtapos at nag-aral ng Medisina ay walang kasiguraduhan na makakapag-partecipate sa mga ‘concorsi pubblici’ at magkakaroon ng career sa sektor ng Ministry of Health, dahil hindi Italian citizen ayon sa batas. Bagaman perpekto ang pagsasalita ng italyano, at nag-aral ng 15 taon sa ilalim ng italian education system, ngunit upang masigurado kung karapat-dapat na pagkalooban ng citizenship ay kailangang maghintay ng tatlong (3) taon ayon sa batas. Sa kabila nito, ay walang kasiguraduhan, kung positibo ang magiging tugon sa kanyang aplikasyon.
Paano nagbibigay ng citizenship sa Italya?Ano ang nasasaad sa batas?
Ius Sanguinis
Sa kasalukuyang batas ng Italya, ang pagiging mamamayan ay pangunahing nakabase sa ius sanguinis, o karapatan batay sa dugo. Ibig sabihin, ang isang tao ay awtomatikong nagiging mamamayan kung isa sa mga magulang ay Italyano.
Ang italian citizenship ay maaaring ibigay sa dalawang paraan, na parehong nasasakop ng batas 91 ng 1992, ang batas na itinuturing na ‘luma’ ng iba’t ibang mga eksperto sa batas.
- Para sa mga ipinanganak sa Italya na ang mga magulang ay dayuhan at may karapatan na mag-aplay ng italian citizenship sa pagsapit sa edad na 18.
- Naturalization. (residency at marriage)
Ius Soli
Ang ius soli ay tumutukoy sa prinsipyo kung saan ang isang tao ay maaaring maging mamamayan ng isang bansa batay sa lugar ng kapanganakan.
Ipinapaalala na sa kasalukuyan, ang mga batang ipinanganak sa Italya na may mga magulang na dayuhan ay HINDI awtomatikong nagiging mamamayan. Kailangan nilang maghintay hanggang sa edad na 18 upang mag-aplay para sa citizenship, basta’t matutugunan nila ang ilang partikular na kondisyon, tulad ng patuloy na paninirahan sa Italya.
Ius Scholae
Ang ius scholae ay isang mas bagong konsepto na isinusulong sa kasalukuyan sa Italya. Sa ilalim ng ius scholae, ang mga batang ipinanganak o dinala sa Italya mula sa ibang bansa ay maaaring mag-apply para sa Italian citizenship kung sila ay nakapagtapos ng isang cycle ng pag-aaral (karaniwang hindi bababa sa limang taon) sa isang Italian school. Ito ay nakikita bilang isang paraan upang mas mapadali ang integrasyon ng mga batang dayuhan sa lipunan, na nagbibigay ng karapatan sa citizenship batay sa edukasyon at pakikilahok sa lokal na kultura.
Italian Citizenship, ang Debate sa Italya
Ang debate sa Italya ay masalimuot at emosyonal. Ang mga ngsusulong ng ius soli at ius scholae ay naniniwala na ang mga batas sa citizenship ng Italya ay dapat i-update upang mas maging makatarungan at naaayon sa modernong realidad. Ayon sa kanila, maraming mga bata na ipinanganak o lumaki sa Italya, na ang tanging alam na kultura ay Italyano, ay nararapat na maging mamamayan dahil sa kanilang malalim na koneksyon sa bansa.
Samantala, ang mga hindi sang-ayon sa mga repormang ito, kabilang ang ilang partido sa kanan, ay nangangamba na ang pagpapaluwag ng mga batas sa citizenship ay maghihikayat ng mas maraming imigrasyon at maaaring makapinsala sa pambansang pagkakakilanlan at seguridad. Ang usapin ay lalo pang naging sensitibo dahil sa kasalukuyang mga isyu ng migrasyon sa Europa.