Ang mga hindi pumasa o absent ay maaaring ulitin muli ang pagsusulit makalipas lamang ang 90 araw. Ito ang limitasyon na itinakda ng Ministry of Interior upang mabawasan ang mga gastusin ng mga pagsusulit.
Rome – Pebrero 11, 2014 – Ipinatutupad ang bagong patakaran ukol sa obligatory Italian language test sa pag-aaplay ng EC long term residence permit o ang kilalang carta di soggiorno.
Ang Ministry of Interior ay nagtakda ng limitasyon. Ito ay dahil na rin sa hindi pagdating ng mga dayuhan sa araw ng test dahil sa maraming dahilan: ang hindi pagkakatanggap ng liham kung saan nasasaad ang araw ng pagsusulit o dahil hindi handang sumailalim sa pagsusulit, o dumating man, ngunit hindi naman nakapasa. Sa mga kasong nabanggit, ay muling kumukuha o nagpapa-book ng bagong petsa na nagiging sanhi ng pagtaas ng mga gastusin ukol dito.
Ang unang countermeasure ay ang obligadong pagbibigay ng email address sa booking form, upang mas madaling maipadala ang anumang komunikasyon sa mga aplikante. Bukod dito, simula sa araw na ito, ay sisimulan ang 3 buwang panuntunan ng paghihintay: ang mga hindi pumasa o ang mga hindi dumating sa petsa ng test (maliban na lamang ang mayroong medical certificate bilang patunay ng pagliban) ay maaari lamang magpa-book ulit makalipas ang 90 araw.
Ang Italian language test ay sinimulan noong 2010 at naglalayong mapatunayan ang levet A2 na kaalaman sa wikang italyano. Maaaring mag-book online sa pamamagitan ng website ng Ministy of Interior testitaliano.interno.it
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]