Ang Ius Scholae ay nasasaad sa bagong panukala na layuning susugan ang kasalukuyang batas sa Italian citizenship. Ito ay tumutukoy sa pagiging Italian citizen ng mga menor na ipinanganak sa Italya o nasa Italya na bago sumapit ang 12 anyos kung nag-aral sa Italya nang limang taon.
Isinulat at isinulong ang panukala ni Giuseppe Brescia (M5S) kamakailan sa Constitutional Affairs Committee. Aniya, ang susog sa kasalukuyang batas ay kinakailangan upang matugunan ang malalim na pagbabago ng sosyedad sa migrasyon at imigrasyon sa mga nagdaang taon.
Mayroong tatlong panukala ang isinulong na sa Constitutional Affairs Committee – Orfini (PD), Polverini (FI) at Boldrini – na tumutok sa ius soli temperato. Gayunpaman, ang bagong panukala ay nasa unang hakbang pa lamang at kinakailangang suriin muna sa Committee at marahil ay sumailalim sa mga pagbabago.
Ius Scholae, ano ito?
Ang Ius Scholae ay tumutukoy sa pagbibigay ng Italian citizenship sa mga menor de edad na:
- ipinanganak sa Italya o dumating sa Italya bago sumapit ang 12 anyos;
- regular at tuluy-tuloy na nanirahan sa Italya;
- regular na pumasok nang hindi bababa sa limang taon, (maaaring isa o dalawang cycles) sa paaralan sa bansa na sakop ng national system of education.
Ang pagkakaroon ng mga nabanggit na requirements sa itaas ay kailangang lakip ang dichiarazione di volontà, na dapat gawin ng:
- menor bago sumapit ang ika-18 taong gulang;
- parehong magulang (nakatira sa Italya) o ng sinuman mayroong responsabilidad sa menor de edad.
Ang dichiarazione di volontà ay kailangang gawin sa harapan ng opisyal ng Stato Civile ng Comune kung saan residente ang menor de edad.
Ang opisyal ng Stato Civile, gayunpaman, anim na buwan bago mag-18 anyos ang menor, ay magpapadala ng komunikasyon ukol sa karapatan, pati ang mga requirements at proseso nito.
Dalawang taon makalipas ang pagsapit sa tamang gulang (18 anyos):
- kung hindi nagawa sa nakaraan ang dichiarazione ay maaaring gawin ang request na maging italian citizen sa opisyal ng tanggapan ng stato civile;
- kung nagawa na ang dichiarazione ay maaaring tanggihan ang pagiging Italian citizen sa pagkakaroon ng ibang citizenship.