Ito ay sinimulan ng gobyerno ni Berlusconi na ipinagpatuloy naman nina Monti, Letta at Renzi. At ito ay hindi makatarungang binayaran ng mga imigrante ng 3,7milyong beses.
Roma, Nobyembre 7, 2016 – 80, 100 1t 200 euros. Ito ang halagang binabayaran ng bawat imigrante, 18 anyos pataas, sa tuwing mag-aaplay ng issuance at renewal ng mga permit to stay. Bukod pa sa binabayarang 30 euros sa printing ng dokumento, 16 euros na revenue stamp at 30 euros sa Italian post office para tanggapin ang aplikasyon at ipadala sa mga Questure.
Ang “kontribusyon para sa issuance at renewal” ay buhat sa huling gobyerno ni Berlusconi. Nasasaad sa kilalang “Pacchetto Sicurezza” at sa pamamagitan ng isang dekreto na pinirmahan noong Oktubre 2011 ay simulang ipinatupad ito nina Ministers of Interior at Economy na sina Roberto Maroni at Giulio Tremonti.
Gayunpaman, wala na sa gobyerno sina Berlusconi, Maroni at Tremonti noong ipinatupad ito sa pagpasok ng taong 2012 matapos ilathala sa Official Gazette. Ngunit sa kasamaang palad ang bagong pamunuan ni Monti, sa kabila ng pagsusumikap ng publiko na mabago ito, kasabay ng hagupit ng krisis ay nanatili ang pagbabayad ng mga dayuhan sa mapait na buwis habang patuloy naman ang pagpasok nito sa kaban ng bayan.
Sa panahong iyon ay matindi ang pagtanggi ng Partito Democratico sa “buwis na ito, na bunga ng pag-uusaig laban sa mga dayuhan”, (Livia Turco dixit). Ngunit ng nagbalik ang centrosinistra sa gobyerno at naupo ang Partito Democratico, ang buwis ay walang ipinagbago at patuloy na nanatili at ipinagtanggol pa ng gobyerno sa hukom. Hanggang sa lumabas ang hatol ng Council of State noong nakaraang Miyerkules na ganap na nagtanggal sa buwis ng issuance at renewal ng mga permit to stay dahil hindi hindi makatarungan at hindi naaayon sa batas.
Ngunit simula 2012 hanggang sa kasalukuyan, ilan at magkano ang kabuuang halagang ibinayad ng mga imigrante? Inilabas ito ng Ministries of Interior at Economy, sa dalawang ‘note’ na lakip ng inihaing apela sa Council of State.
Nasasaad na ang kabuuang bilang ng mga permit to stay mula 2012 ay 3.7 milyon at ang halagang binayaran para sa nabanggit na bilang ay 487.700.000 euros. Halos kalahating bilyong euros, ang halagang hindi makatwirang lumabas sa bulsa ng mga dayuhan at hindi naaayon sa batas, ayon sa hatol, na pumasok sa kaban ng bayan.