Isang dekreto ang pinirmahan ng Ministry of Economy and Finance kasama ang Ministry of Interior noong June 5, 2017. Ito ay inilathala noong June 8, 2017 kung saan nasasaad ang immediate implementation nito ng susunod na araw o simula June 9, 2017. Narito ang nilalaman.
Roma, Hunyo 12, 2017 – Matatandaang ang buwis na mula 80 hanggang 200 euros para sa releasing at renewal ng permit to stay ay tinanggal na noong Oktubre 26, 2016. Sa kabila nito ay nanatiling mayroong binabayaran sa releasing at renewal ng mga permit to stay. Sa katunayan, simula noong Oct 27, 2016 ang sinumang nag-aplay o nag-renew ay nagbayad pa rin ng halagang 30,46 euros para sa electronic permit to stay, idadagdag dito ang 16 euros na marca da bollo na ilalakip sa aplikasyon at ang 30 euros na kabayaran sa Poste Italiane. Ang kabuuang halaga ay 76,46 euros.
Ngunit kasabay sa pagtatanggal na ito ng buwis ay inihayag ng European Court of Justice, ang TAR ng Lazio at ang Council of State na ang halaga ng buwis sa nakaraan ay hindi angkop at hindi makatarungan, ngunit hindi kailanman binanggit anong halaga ang angkop at makatwiran.
“Ang mga concerned Office ay muling magtatalaga ng halaga ng buwis o kontribusyon, tulad ng makikitang isinulat ng mga hukom ng Council of State sa hatol noong nakaraang Oktubre 26. Ang parehong mga tanggapan din ang magtatalaga kung kailan at sa anong paraan ang pagbibigay ng refund sa mga nagbayad sa nakaraan”.
At ang binanggit na pagtatalagang muli ng kontribusyon – at hindi na ito tinawag na buwis – ay naganap noong nakaraang June 8, 2017 sa pamamagitan ng paglalathala ng isang dekreto sa Official Gazette bilang 131 mula sa ika-walong pahina nito.
Samakatwid, bukod sa kontribusyon na nabanggit sa itaas na binabayaran ng bawat dayuhan sa renewal ng permit to stay ay kailangan ring bayaran ang halagang kapalit ng paulit-uilt na tinanggal ng buwis na nagkakahalaga ngayon ng kalahati ng halagang binabayaran noon:
- 40,00 euros – ang halagang dapat bayaran ng sinumang magre-request ng releasing at renewal ng permit to stay na may validity ng higit sa 3 buwan at mas mababa naman ng isang taon;
- 50,00 euros – ito ang halaga ng kontribusyon na dapat bayaran ng sinumang magre-request ng releasing at renewal ng permit to stay na may validity ng higit sa 1 taon at mas mababa o katumbas ng dalawang taon;
- 100 euros – ito naman ang halaga ng kontribusyon ng sinumang magre-request ng EC long term residence permit o ang dating carta di soggiorno.
Ang dekreto ay pinirmahan ng Ministry of Economy and Finance kasama ang Ministry of Interior noong June 5, 2017 at inilathala noong June 8, 2017 kung saan nasasaad ang immediate implementation nito ng susunod na araw o simula June 9, 2017.
PGA