Ang congedo at indennità per vittime di violenza ay nakalaan na rin para sa mga kababaihang colf na biktima ng karahasan.
Nilawakan ng Legge di Bilancio 2018 ang leave for violence victims o congedo vittime di violenza. Ito ay nakalaan na rin para sa mga colf na biktima ng karahasan.
Kahit ang mga colf o domestic workers na kababaihang biktima ng karahasan ay may karapatang magkaroon ng leave. Ito ay ayon sa legge di bilancio n. 205/2017 na sinusugan ang artikulo 24 ng d.lgs 80/2015 kung saan hindi nabibilang ang mga kababaihang domestic workers sa probisyon ng may pahintulot na pagliban sa trabaho kung biktima ng karahasan.
Leave for violence victims: Ito ay ibinibigay, tulad ng nasasaad sa batas, sa kundisyon kung saan ang worker ay “sumasailalim sa programa ng proteksyon o pangangalaga laban sa karahasan ng mga kababaihan, na pinatutunayan ng isang sertipiko mula sa social welfare na kinasasakupan ng tirahan o ng anumang sentro ng anti-violence o refuge house”.
Ang leave ay nagbibigay karapatan sa pansamantalang hindi pagpasok sa trabaho dahil sa programa ng proteksyon ng maximum ng tatlong buwan at patuloy na tatanggap din ng buong sahod. Partikular, ang worker ay may karapatang tumanggap ng “allowance katumbas ng halaga ng huling sahod hanggang sa magtapos ang programa”.
Sa panahong nabanggit ay kasama rin ang pagbabayad ng kontribusyon, ang kalkulasyon ng scatto d’anzianità, pati na rin ang kalkulasyon ng ferie, 13th month pay at ang tfr.
Upang matanggap ang mga karapatang nabanggit, maliban sa ilang kasong hindi inaasahan, ang worker ay kailangang abisuhan ang employer sa panahong hindi bababa sa pitong araw, ng simula at pagtatapos ng nasabing leave upang magawa rin ang mga kinakailangang sertipiko.
Ang leave ay maaaring gamitin batay sa oras o araw sa loob ng tatlong taon ayon sa nasasaad sa collective contract. Sa kawalan o kakulangan ng regulasyon, ang worker ay maaaring pumili batay sa oras o araw ng leave.