Panawagan ng Tavolo Nazionale Immigrazione: “Ito ay pang-gigipit sa mga manggagawa at mga employer. Kailangang linawin sa lalong madaling panahon kung ano ang kahulugan ng organismi pubblici, at palawakin ito”
Roma – Setyembre 21, 2012 – Ang patunay ng presensya sa Italya ang lilikha ng pagkakaiba. O lilinawin ng gobyerno ang mga dokumentong tatanggapin at lalawakan ang kahulugan ng organismi pubblici o ang regularization ay magiging isang flop, tulad ng nasasaad sa kasalukyan na umaabot pa lamang ng16,000 ang mga aplikasyon.
Ito ang mga binigyang diin ng mga asosasyon ng Tavolo Nazionale Immigrazione, sa isang pagpupulong sa Roma kasama ang Ministro ng Integration na si Andrea Riccardi at ang mga representative ng Ministry of Interior at Labor.
Ang regularization ay kailangang makatarungan at mapapakinabangan o malamang na masayang ang pagkakataon. Sa gobyerno ay dumating ang senyales na gawing mabisa at kapaki-pakinabang ang isang ‘proseso’ na pinakahihintay ng lahat”, ito ang mababasa sa isang note na pirmado ng Acli, Arci, Centro Astalli, Cisl, Comunità S. Egidio, Fcei, Sei-Ugl at Uil.
Ang pangunahing puntong kritikal? “Ang patunay o pruweba ng pananatili sa Italia on or before Dec 31, 2011, para sa amin ay isang paghihigpit at pang-gigipit sa mga employer at workers. Ipinapaalala namin na ang public administration ay hindi maaaring gumawa ng anumang dokumentasyon, partikular, para sa mga dayuhang hindi regular o walang permit to stay sa nasa bansang Italya”.
Ang Tavolo Immigrazione ay hinihiling “na linawin sa lalong madaling panahon kahit man lamang ang kahulugan ng organismi pubblici, at lawakan ang listahan ng mga kategoryang makakapasok dito, ng hindi tatanggalin ang sertipikasyon buhat sa pribadong tanggapan. Na hanggang sa kasalukuyan ay walang kalinawan”.
Ang kasalukyang sitwasyon – babala ng mga asosasyon – ay naglalarawan ng isang malawak na scenario ng legal argument. Ang panganib na aming inilarawan sa mga representatives ng gobyerno ay "ang batas ay ipinatutupad sa paraang mahigpit at hindi patas at ang kawalan ng isang malinaw na circular, ay nagbubunga ng pekeng katibayan at magtutulak ng panloloko”.