Ipinadala na ang mga liham sa mga ipinanganak sa Italya. Assessor Majorino: “Magiging mga ganap na Milanesi at magtataglay ng mga karapatan tulad ng lahat ng kanilang ka-edad”.
Roma – Abril 16, 2013 – “Ngayong taon ay isang mahalaga at maselang proseso ang magaganap sa pagdiriwang ng iyong ika-18 taon ng kapanganakan. Ang pagkakataong ito ay mahalaga maging para sa iyong mga ka-edad, at isang mahalagang desisyon ukol sa pagkakataong maging ganap na mamamayang Italyano, na iyong karapatan…..”
Ito ang nilalaman ng liham buhat sa Munsipyo ng Milan (Comune di Milano) na ipinapadala sa mga kabataang ipinanganak at lumaki sa Italya ngunit anak ng mga imigrante, na sa taong ito ay magkakaroon ng wastong gulang o magiging 18 anyos. Ayon sa batas sa pagkamamamayan ay maaaring maging italyano sa pamamagitan ng isang simpleng deklarasyon sa Civil Officer hanggang bago sumapit ang ika-19 na taong gulang.
“Ito ay isang daan ng iyong mga karapatan – paalala ng Munisipyo – na maaaring tanggapin sa loob lamang ng isang taon. Sa katunayan, sa pagsapit ng 19 anyos, sa kasamaang palad ang pagkakataong ito ay awtomatikong mawawala at upang magkaroon ng italian citizenship ay maaaring lumapit lamang sa Minsitry of Interior, sa pamamagitan ng Prefecture, na mayroong mas mahabang panahon at mataas na halaga”.
Maging noong nakaraang taon, ang Assessor of Welfare, sa pangunguna ni Pierfrancesco Majorino, ay nagpadala rin ng katulad na liham sa ikalawang henerasyon, at nagtala naman ng isang pagtaas sa mga deklarasyon at panunumpa sa Munisipyo. Tanda na ang impormasyon ay mahalaga. Ngayong taon, tinatayang 665 mga liham ang ipapadala sa mga kabataang dayuhang ipinanganak sa Italya noong 1995 at naka rehistro bilang mga residente ng Comune di Milano.
“Ang inisyatibang ito ay isang pagpapatuloy ng kabubukas lamang na G. Lab, ang laboratoryo ng pagkamamamayan, na inilalaan sa ikalawang henerasyon, mga Milanese sa kabuuan ngunit nasasakop ng isang di-makatarungang batas tulad ng ius sanguisnis” pagpapatuloy pa ni Majorino. Ipina-alala rin na “maging ang Pangulong Napolitano ay binigyang-diin sa ilang okasyon ng pangangailangang malampasan ang batas na ito hanggang ang sinumang ipinanganak sa Italya ay maging italyano, anuman ang nasyunalidad ng mga magulang. Isang konseptong muli ay pinag-uusapan matapos ang pagtatalaga sa mga pangulo ng Kamara at Senado”.
“Kailangang kumilos ang lahat – pagtatapos pa nito – hanggang ang mga kabataang ito ay matanggap ang kanilang karapatan, mula sa karapatang bumoto. Sila ay yaman ng ating bansa at ng ating lungsod na kailangang kilalanin at pahalagahan”.