Inaprubahan ng Konseho ng mga Ministro, kahapon Oct 2, 2024, ang bagong regulasyon ng Decreto Flussi. Ito ay inanunsyo ni Undersecretary Alfredo Mantovano sa isang press conference kung saan ipinaliwanag niya ang mga pangunahing pagbabago at layunin ng gobyerno na gawing mas epektibo at sistematiko ang proseso nito.
Layunin ng bagong decreto: Mas simpleng proseso at mas malinaw na patakaran
Ang bagong batas ay naglalayong gawing mas simple at transparent ang sistema ng pamamahala sa migrasyon upang mapabilis ang proseso nito. Ang mga “click days,” na dati ay ginaganap sa isang araw lamang, ay hahatiin ngayon batay sa uri ng mga manggagawa. Samakatwid ay magiging higit sa isa ang click day upang gawing mas maayos ang pagpapadala at pagproseso ng mga aplikasyon at higit sa lahat ay mabawasan ang bigat sa mga computer systems. Ang transition phase na ito ay bahagi ng tuluyang pagtatanggal sa sistema ng click day at ang mapalitan ito ng mas epektibong mekanismo.
Mas flexible na patakaran para sa mga seasonal workers
Isa pang mahalagang pagbabago ay para sa mga seasonal workers. Matapos ang kanilang kontrata, magkakaroon sila ng “60 days grace period” upang makahanap ng bagong trabaho nang hindi kinakailangang mag-aplay muli para sa bagong permesso di soggiorno. Maaari ring gawing determinato o indeterminato ang kanilang mga seasonal contracts, nang hindi maaapektuhan ang itinakdang quota ng decreto flussi.
Walang Sanatoria
Nilinaw ni Mantovano na walang ipatutupad na Sanatoria para sa mga undocumented. Binigyang-diin niya na ang huling Sanatoria noong panahon ng gobyerno ni Conte noong 2020 ay kasalukuyang pinoproseso pa rin, at nais ng kasalukuyang gobyerno na tundin ang pangako nito sa mga botante na hindi magpapatupad ng bagong amnestiya bagkus ay magtakda ng malinaw na mga patakaran at magkaroon ng organisadong pamamahala ng mga migrante.
Pagpapalakas ng mga ahensya ng gobyerno
Upang mas mapabuti ang pamamahala ng decreto flussi, ang bagong decreto ay nagsasaad ng pagdaragdag ng mga empleyado sa Ministry of the Interior at Ministry of Foreign Affairs. Ang Viminale (Ministry of Interior) ay magdaragdag ng 500 tauhan, habang ang Farnesina (Ministry of Foreign Affairs) ay tatanggap ng 250 bagong empleyado, kabilang ang 200 permanente. Ito ay inaasahang makakatulong sa pagpapabilis ng pagproseso ng mga aplikasyon, lalo na sa mga konsulado na abala sa mga entry visa.
Mahigpit na kontrol laban sa ilegal na imigrasyon
Ipinaliwanag ni Antonio Tajani, ang Vicepremier at Minister of Foreign Affairs, na ang gobyerno ay may layuning hikayatin sa legal na imigrasyon, kasabay nito ng pagpapatupad ng mahigpit na kontrol laban sa ilegal na migrasyon. Magkakaroon ng pagkuha ng fingerprints sa mga nag-aaplay ng entry visa (na dati ay para lamang sa mga Schengen visa). Tatanggalin din ang obligasyon ng mga konsulado na magbigay ng pormal na komunikasyon sa mga denied visa. Dagdag pa rito, pansamantalang ipagpapaliban ang pagproseso ng visa applications mula sa Bangladesh, Pakistan, at Sri Lanka upang maisagawa ang mas masusing pagsusuri sa mga aplikante.
Permesso di soggiorno sa para sa mga biktima ng ‘caporalato’
Inanunsyo rin ng Labor MInister Marina Calderone ang paglalabas ng isang “permesso di soggiorno speciale” para sa mga biktima ng caporalato (ilegal na trabaho) na maghahain ng reklamo laban sa kanilang mga mapang-abusong employer. Layunin nitong protektahan ang mga manggagawang biktima ng exploitation at hikayatin ang mga ito na mag-file ng reklamo, sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang sistema ng proteksyon.
Click days para sa mga seasonal workers sa 2025
Para matugunan ang kakulangan ng mga seasonal workers sa sektor ng turismo, magkakaroon ng dalawang click days sa 2025. Ang unang “click day” ay gaganapin sa February para sa 70% ng mga quota para sa summer season, at magsisimula ang pre-filing ng mga aplikasyon sa November 2024. Ang ikalawang “click day” ay gaganapin sa October, para sa natitirang 30% ng quota para sa winter season, na may pre-filing ng mga aplikasyon simula sa June.
Karagdagang 10,000 caregivers
Ang inaprubahang decreto ay nagsasaad din ng karagdagang 10,000 caregivers para sa taong 2025. Ito ay idadagdag sa bilang na inaprubahan sa nakaraan na 9,500. Ang aplikasyon ng karagdagang bilang na ito ay sa pamamagitan ng mga labor agencies. May kabuuang 19,500 ang mga caregivers na inaasahang sapat upang matugunan ang pangangailangan sa bansa.
Cellphone ng mga migrante, maaaring kontrolin
Sa ilalim ng decreto, ipinahihintulot din ang posibilidad na inspeksyunin ang mga cellphone ng mga aplikante ng asylum upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan at nasyonalidad.
Ipinaliwanag ni Mantovano, ang undersecretary sa Office of the Prime Minister, ang pamantayan na susundin sa pagsusuri ng mga data ng mga telepono: “Ang pagsusuri ng cellphone ay may iisang layunin lamang: tiyakin ang pagkakakilanlan ng migrante o, kung hindi man, ang kanilang pinagmulan.” Binanggit ni Mantovano na ang mga datos na maa-access ay “limitado lamang sa mga impormasyon na may kinalaman sa pagkakakilanlan o sa lugar ng pinagmulan, may pagbabawal, alinsunod sa bagong batas, sa pag-access sa mga mensahe at anumang uri ng komunikasyon.” Nakasaad din sa batas ang posibilidad ng “presensya ng isang cultural mediator” sa proseso, na gagawa rin ng “formal report,”. Ang inspeksyon, gayunpaman, ay kailangang may awtorisasyon mula sa judicial authority.
Obligasyon ng mga NGOs na mag-report
Ang dekretong ito ay naglalayon ding tugunan ang mga isyu ng pagsagip sa dagat at ang proseso ng paghingi ng asylum. Nassaad dito ang “obligasyon para sa mga eroplano ng mga NGOs na i-report agad sa maritime authority ng Italya ang anumang insidente sa dagat.”